1 deboto ng Nazareno kinuyog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2016 10:17 AM

Sugatan ang isang deboto ng Itim na Nazareno matapos kuyugin ng iba pang mga deboto dahil sa tulakan at hindi pagkakaunawaan habang isinasagawa ang thanskgiving procession sa Quiapo, Maynila Sabado.

Pumutok ang labi, nagtamo ng sugat sa ulo, at sumakit ang iba't ibang bahagi ng katawan ni Jonathan Macaraig matapos pagsasapakin ng iba pang miyembro ng Hijos del Nazareno.

Ayon sa ilang nakakita, nagsimula ang pambubugbog kay Macaraig matapos magkaroon ng tulakan habang nasa tapat ng University of the East sa Recto ang Poong Nazareno.

Napagkamalan umano ng isang grupo ng mga lalaki na si Macaraig ang isa sa nagpasimuno ng tulakan kaya kanilang inupakan.

Dismayado naman si Macaraig sa nangyari dahil normal namang nagkakagitgitan ang mga deboto kapag prusisyon.

Aniya, dapat sana ay nangingilin ang tao sa halip na nagbabasag-ulo.

Nagpatulong si Macaraig at ang iba pa niyang kasamahan sa mga nakabantay na pulis para hulihin ang mga nanakit sa kanya.

Samantala, may ilan pang mga deboto ang ginamot din dahil sa mga sugat sa paa o pagkahilo dahil sa sa siksikan ng mga tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.