ALAMIN: Mga dapat gawin kapag nadisgrasya sa paputok

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2019 04:19 PM | Updated as of Dec 30 2019 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na iwasan ang paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon para maiwasang madisgrasya ang katawan at masunugan.

Sakaling madisgrasya, pinayuhan ni Health Assistant Secretary Eric Tayag ang mga biktima na hugasan nang maigi ang bahagi ng katawang nasugatan para matanggal ang mga natirang pulbura.

Matapos maghugas, balutan ng gasa o malinis na tela ang sugat, saka isugod ang biktima sa pinakamalit na ospital para masuri ng eksperto, ayon kay Tayag.

Ipinayo rin ni Tayag na huwag balewalain kahit maliit ang sugat na tinamo sa paputok dahil posibleng may tetano ito na maaaring ikamatay ng biktima.

Dagdag pa ni Tayag na huwag nang mamulot ng mga supot na paputok o mga pailaw na hindi pumutok.

Mas makabubuti rin anyang linisin agad ang paligid at buhusan ng tubig ang mga gamit nang paputok.

Pinag-iingat din ang publiko sa mga pinapayagang pailaw. Kung gagamit, dapat magsuot ng sapatos at huwag pagsabay-sabaying hawakan ang marami.

Mainam ding huwag nang lumabas ng bahay ang mga may problema sa baga at paghinga kapag nagpuputukan dahil sa polusyon, ani Tayag.

Umabot na sa 54 ang bilang ng fireworks-related injuries na naitala ng Department of Health (DOH) mula noong Disyembre 21 hanggang alas-6 ng umaga ngayong Lunes.

Sa 54 na mga naputukan, 21 ay galing sa National Capital Region. Dalawampu't isa rin ang naputukan sa kamay habang 14 naman ang nagtamo ng injury sa mata.

Pinakamarami pa ring nabibiktima ng ipinagbabawal na piccolo.

Sa pasalubong sa 2019 noong nakaraang taon, nakapagtala ang DOH ng 340 biktima ng paputok, mas mababa ng 34 porsiyento kumpara sa 463 na nadale sa pasalubong sa 2018.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa piccolo, ilan pa sa mga ipinagbabawal na paputok ang sawa, five star, watusi, Judas belt, super lolo, goodbye earth, at goodbye bading.

IWAS-PAPUTOK, IWAS-SUNOG

Samantala, namigay ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng flyers at pamaypay na nagsasaad ng tips para sa ligtas na pagsalubong ng Bagong Taon.

Gaya ng DOH, ipinayo rin ng BFP na huwag nang gumamit ng mga paputok o pailaw sa pagpasok ng 2020.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sakaling hindi maiwasan, tiyaking mabuti na sa mga lisensiyadong mga tindero at manufacturer bibili ng paputok.

Payo ng DOH na huwag mag-imbak ng mga paputok nang matagal, gayundin huwag ipahawak ang mga paputok sa mga bata, at magpaputok malapit sa bahay o gusaling maaaring pasukin nito.

Payo rin ng BFP na huwag nang sindihan ulit ang mga paputok na hindi sumabog at magpalipad ng lanterns dahil puwede raw itong mahulog sa bubong ng bahay.

Namigay din ang BFP ng mga pito para iyon na lang ang gamitin ng publiko para mag-ingay sa Bagong Taon.

Nagpaalala rin ang BFP sa mga iiwan ang kanilang mga bahay nang walang tao na tiyaking sarado ang mga bintana at huwag mag-iwan ng ano mang appliance na nakasaksak.

MGA BUMIBILI NG PAPUTOK, DAGSA SA BOCAUE

Sa kabila ng mga paalala, dagsa pa rin ngayong Lunes ang mga tao sa Bocaue, Bulacan, isa sa mga sikat na bentahan ng paputok malapit sa Metro Manila.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa dami ng tao, bumigat ang daloy ng trapiko sa Bocaue exit ng North Luzon Expressway.

Nakabantay naman ang mga unipormadong pulis at bombero sa mga tindahan sa Bocaue para matiyak na nasusunod ang batas sa bentahan ng paputok at mga pailaw. -- Ulat nina Jeff Canoy, Jeck Batallones, Jorge Cariño at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.