Babae kritikal matapos pagsasaksakin ng manliligaw

Doland Castro, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2016 04:54 PM

Suspek, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang

MANILA - Nasa malubhang kondisyon ang isang 22-anyos na dalaga sa Pasig matapos siyang pagsasaksakin ng manliligaw.

Inabangan ng suspek na si Emerson Santos ang nililigawang si Laarni Susana nang bumili ito sa isang tindahan sa Barangay Dela Paz.

Sampung saksak sa katawan ang tinamo ni Susana sa pag-atake ni Santos.

Nakuhanan ng CCTV camera ang tangkang pagtakas ng suspek na nagawa pang magtago sa isang bodega.

Agad namang natunton si Santos ng mga pulis at opisyal ng barangay.

"Selos daw po ang motibo niya kaya niya nagawa," ani Jay Santiago, executive officer ng barangay.

Dagdag ni Nenita Adriano, lola ng biktima, "Nanliligaw kasi iyan eh, hindi pinapansin ng apo ko. Pumasok pa sa bahay namin kagabi iyan."

Napag-alaman namang lasing ang suspek nang tambangan si Susana at dati rin umano itong gumagamit ng iligal na droga.

"Dati na po siyang sumurender sa Oplan Tokhang natin," sabi ng kagawad na si Taboy Mariano.

Inamin naman ng suspek ang nagawa ngunit iginiit na hindi niya pinagsisihan ang insidente. Anya, "wala akong pinagsisihan, matagal ko itong inisip. Niloko nila ako."

Nakatakdang sampahan ng kasong frustrated murder si Santos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.