Higit 5,000 trabaho alok sa government job portal

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2018 08:21 PM | Updated as of Jul 08 2019 02:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 5,000 job vacancy na lamang ang natitira sa government employment portal na philjobnet.gov.ph, ngunit inaasahang tataas ito pagsapit ng 2019.

Sa pinakahuling datos ng website, nasa 5,565 na lamang ang natitirang posisyong puwedeng aplayan at karamihan ay nasa sales at service industry.

Paliwanag ng Bureau of Local Employment (BLE), na siyang nangangasiwa sa website, mababa ang job posting dahil patapos na ang taon pero inaasahan ang pagdami ng mga trabaho sa wholesale at retail maging sa construction sector sa susunod na taon.

“Sa 2019 natin we're hopeful na papalo na naman po 'yung ating job vacancies particularly for the wholesale and retail, and then construction sector,” ani BLE director Nikki Tutay.

Pero kung kulang ang job experience, hinihikayat niyang subukan ang government internship program para matugunan ang kakulangan.

Sa ilalim ng internship program, may stipend o allowance ang intern at posible pang mapagkalooban ng trabaho sa isang ahensiya ng gobyerno matapos ang anim na buwan.

“Ang experience po natin dito once makapag-intern po 'yung mga kabataan natin ay nakakapasok naman po sila o naa-absorb po sila doon sa institution kung saan sila nag-intern,” ani Tutay.

Ipinapayo ni Tutay na gamitin ang holidays para magsaliksik ng mga aaplayang trabaho para mapaghandaan ang pagrehistro dito.


-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.