Basura mula South Korea nakatakdang ibalik sa Enero

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2018 05:28 PM

Nakatakdang ibalik sa South Korea sa Enero 9 ang tone-toneladang basura na ipinadala sa Mindanao International Container Port (MICT), ayon sa Bureau of Customs.

Ayon kay Provincial Board Member Gerardo Sabal, humingi ng tawad ang dalawang opisyal ng South Korea matapos makita ang kargamento ng basura.

"Nakita nila mismo na 'yung sinabi ng Verde Soko na plastic flakes, mga waste materials talaga at hazardous. Sabi nila they are very embarrassed at they are very sorry," aniya.

Patuloy naman ang pag-uusap kung ano ang gagawin sa unang shipment na nakalagak na sa planta ng Korean company na Verde Soko Philippines Industrial Corporation sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Nakalabas na kasi ito sa mga containers at kailangan pang i-repack bago i-ship pabalik sa South Korea.

Una nang kinuwestiyon ng Customs kung bakit nakalabas sa MICT ang basura mula South Korea noong Hulyo kahit na misdeclared ito.

Pero ayon kay Sabal, bibigyan nila ng isang buwan ang Verde Soko para mai-repack ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.