Coast Guard: Mga nawawalang tripulante, maaring nasa loob ng lumubog na barko

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2016 01:14 AM

Pinaplano ng Philippine Coast Guard (PCG) na magsagawa ng underwater search kaugnay ng 18 nawawalang tripulante ng isang barkong lumubog noong kasagsagan ng bagyong “Nina” sa Batangas.

Patuloy ang ginagawang search and rescue operation ng PCG upang mahanap ang mga tripolante ng M/V Starlite Atlantic. Nagpadala na ng karagdagang tauhan ang PCG national headquarters sa Batangas upang tumulong sa paghahanap.

Ayon sa PCG, maaaring na nasa loob pa ng lumubog na barko ang mga nawawala.

Samantala, ilang araw na umano nasa tanggapan ng Starlite Ferries Inc. sa Batangas Port ang mga kamag-anak ng mga tripulante ng M/V Starlite Atlantic. Ang kanilang hiling, ay sana makausap ang nakaligtas na kapitan ng roll on-roll off (RORO) na barko, upang maliwanagan sa totoong nangyari.

Noong Lunes ay lumubog ang M/V Starlite Atlantic matapos itong hampasin ng malalakas na alon at hangin sa karagatan sa may Tingloy, Batangas. May 14 na nakaligtas, ngunit nasawi ang isang kadete ng barko.

Tumangging magbigay ng pahayag sa ABS-CBN News ang pamunuan ng Starlite Ferries. - Ulat nina Paulo Ferrer at Val Balita, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.