Panukalang 'road diet' sa EDSA binatikos ng ilang grupo

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umani ng batikos mula sa ilang grupo ang panukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad ang "road diet" sa EDSA o iyong pagpapakitid sa mga kasalukuyang lane para may maidagdag na isa pang lane.

Ang pagdagdag ng isa pang lane ang nakikitang solusyon ng MMDA para mas maraming motorista ang makadaan sa EDSA at kahit papaano ay maibsan ang matinding trapiko sa naturang kalsada.

"Is it safer? I don't think so," sabi ni Bert Suansing, executive director ng Philippine Global Road Safety Partnership.

"Ano na 'yon, precision driving na kailangan mo noon eh. Ngayon nga lang eh kapag oras ng gitgitan, nag-uumpugan iyong mga side mirror nila," ani Suansing.

Naniniwala rin ang Motorcycle Dealers Association of the Philippines na hindi "road diet" ang kailangan sa EDSA, lalo at halos wala naman daw sumusunod sa mga linya sa EDSA.

"As it is right now, halos hindi na nga magkasya ang mga motorista natin sa EDSA. Drawing of lines lang iyan sa EDSA," ani Edwin Go ng Motorcycle Dealers Association of the Philippines. 

Ibinase ng MMDA ang panukala sa pag-aaral ng World Resources Institute sa Tokyo, Japan.

Lumabas sa pag-aaral na may nakaakmang sukat sa mga lane depende sa speed limit ng isang kalsada. Ipinakita rin sa pag-aaral na naging mas ligtas ang mga siyudad na sumunod sa tamang sukat ng lane. 

Sa halip na sa kasalukuyang 3.4 metro na lawak, nasa 2.8 metro dapat ang lawak ng kada lane sa EDSA, na may speed limit na 60 kilometro kada oras (kilometers per hour o kph).

Nanindigan naman ang MMDA na kahit paano ay may mailuluwag ang EDSA kung itutuloy ang "road diet."

Mas ligtas pa nga raw dahil mapipilitang pumila ang mga sasakyan pati ang mga motorsiklo, sabi ng tagapagsalita ng MMDA.

"Mayroon pa tayong space na puwedeng magamit kung susundin natin 'yong international standard and based na rin sa pag-aaral ng World Resources Institute," ani MMDA spokesperson Celine Pialago.

"'Yong mga motorcycle ho, kaya naman sila nahihirapan sumingit dahil hindi naman lahat sila sumusunod sa motorcycle lane," dagdag pa ni Pialago.

Ipinasa na ng MMDA sa Department of Public Works and Highways ang panukala.

Kapag naaprubahan, DPWH na rin ang bahalang maglagay ng mga bagong linya sa kalsada at pagtukoy kung paano ipatutupad ang "road diet."

Isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang EDSA, na tumatahak sa Caloocan, Quezon City, San Juan, Mandaluyong, Makati at Pasay. --Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.