71 mangingisdang biktima ng bagyong Vinta, nasagip sa Tawi-Tawi

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2017 04:39 PM

Umabot sa 71 mangingisda mula sa Palawan ang nasa ospital ngayon sa Mapun, Tawi-Tawi matapos na masagip mula sa pananalasa ng bagyong Vinta noong Pasko.

Sa mga larawang kuha sa mga mangingisda, makikitang nanghihina at nagtamo ng mga sugat ang ilan sa kanila.

Lulan umano sila ng bangkang pangisda galing sa Palawan at naabutan ng sama ng panahon na dala ng bagyong Vinta sa Mangsee, Balabac noong bisperas ng Pasko.

Wala namang kamalay-malay ang pamilya Cabuena at Almonte na kasama pala sa mga nasagip sa Tawi-Tawi ang kaanak na si Rogel Almonte, 46 anyos. 

Huli umano nila itong nakausap noong Disyembre 13 para kumustahin ang plano nitong mag-Bagong Taon kasama ang pamilya sa Barangay Bagong Sikat.

Nasa listahan rin ang dalawa pang taga-Puerto Princesa na si Joseph Jimenez, 48 anyos, at Arjen Nuñez, 28 anyos. May mga nasa listahan rin na mula sa iba’t-ibang munisipyo sa Palawan.

May mga kasamahan rin na nakaligtas na galing pa sa ibang probinsya at Maynila. 

Kailangan umanong dumaan sa pagsusuri ng mga doktor ang mga nasagip dahil marami umano sa kanila ang nasa mahina pang kondisyon. 

Patuloy naman daw na nakikipag-ugnayan ang Philippine Coast Guard sa Palawan sa mga kasamahan nito sa Mapun station para alamin ang kalagayan ng mga mangingisda.

Hiling lang ng pamilya ng mga mangingisda na ligtas ang mga itong makauwi at makasama nila bago sumapit ang Bagong Taon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.