'Parang buhawi': Mga pinsala, patay naitala sa pananalasa ng 'Ursula'

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 04:23 PM | Updated as of Dec 26 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Matinding pinsala ang inabot ng ilang parte ng bansa na binayo ng bagyong "Ursula" - dahilan para magdeklara ng State of Calamity ang mga opisyal sa ilang lugar. 

Ayon kay Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano, pinadapa ni Ursula ang mga yero, puno, at mga poste ng kuryente, dahilan para mahiwalay ang ilang bayan gaya ng San Jose na ngayo'y isinailalim din sa State of Calamity. 

Pahirapan din aniya ang pag-rescue sa mga residente sa lugar dahil nakaharang ang mga nagkalat na debris sa daan. 

"Talagang parang buhawi iyong dumaan sa mga bayan na ito," ani Gadiano. 

Pinakamatinding naapektuhan ng bagyo ang mga bayan ng San Jose, Magsaysay, Rizal, at Calintaan. 

Tatlo naman ang nasawi sa Bulalacao, Oriental Mindoro, kung saan pahirapan din ang linya ng komunikasyon. 

Nabagsakan ng puno ang mga tripulante ng tugboat. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Batad, Iloilo, namatay ang 7 katao habang nawawala ang nasa 12 tao dahil sa flashflood, ayon kay provincial disaster risk reduction and management officer Jerry Bionat. 

Kabilang sa namatay ang limang miyembro ng isang pamilya. Nagtatangka ang pamilya na lumikas pero hinarang umano sila ng flashflood. 

"'Yung biglaang pagbuhos ng ulan in a matter of 3 hours, pagbaba ng tubig dun dumaan sa kanila. Hindi 'yun daanan ng tubig normally," ani Bionat. 

"Maybe as a result of the masyadong makapal na ulap, masyadong malakas na ulan, resulting in flashflood. 'Yung bundok nila dun naging kaingin, nagresult ng flashflood."

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat naman ang naitalang patay sa Eastern Samar, kabilang ang dalawang kataong nadaganan ng kahoy at yero.

Binaha rin ang ilang palayan. Dahil sa matinding pinsala, nanawagan ang mga residente kay Pangulong Rodrigo Duterte na hatiran sila ng tulong. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Namatay naman ang isang bata sa Capiz matapos madaganan ng puno sa Barangay Kamatis. 

Umaaray din ang ilang negosyante gaya ni Delia Ibanez. Naanod kasi ng baha aang mga binilad niyang isda dahil sa bagyo. 

Aabot sa P80,000 ang halaga ng mga ito. 

Samantala, inalis na ang storm signals sa mga lugar na apektado ng Ursula. 

Inaasahang aalis na ito sa Philippine Area of Responsibility sa Biyernes o sa Sabado.-- Ulat nina Cherry Palma, Dennis Datu, Ranulfo Docdocan, Zandro Ochona, at Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.