Magkano ang sahod ng mga magtatrabaho ng Pasko, Bagong Taon?

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2019 03:04 PM | Updated as of Dec 26 2019 04:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA- Habang abala ang ibang tao sa pagdiriwang ng Pasko kasama ang pamilya, may iilan namang nagtatrabaho tuwing Pasko o Bagong Taon dahil "on call" o kaya kinakailangan sa pinasukang employer. 

Kaya naman nagpaalala ang abogadong si Noel Del Prado na may tamang komputasyon sa sasahurin ng mga empleyadong papasok ng holiday. 

Kapag Pasko o Bagong Taon, 200 porsiyento ng arawang suweldo ang ibabayad sa pumasok na empleyado. 

Sasahod naman ang mga hindi papasok ng 100 porsiyento ng kanilang daily wage. 

Iba naman ang sahod kapag mag-o-overtime pa ang papasok na empleyado. 

"'Yung unang walong oras babayaran ka ng 200 percent pero after the 8th hour yan ay considered overtime may 30 percent pang dagdag," pahayag ni Del Prado. 

Maaaring mas mataas pa ito kung may collective bargaining agreement na pinirmahan ang mga empleyado at employer. 

"Kung may CBA may probisyon 'yan hindi 'yan dapat mas mababa sa batas. kung may CBA mas mataas dahil iyan ay batas ng employer at empleyado," ani Del Prado. 

Kapag naman papasok ng bisperas ng Pasko at Bagong Taon - na tinaguriang special non-working holidays, 130 porsiyento ng daily wage ang maaaring sahurin ng empleyado. 

Wala namang sasahurin ang mga hindi papasok ng mga special non-working holiday. 

Nagpaalala si Del Prado sa mga employer na sundin ang karampatang bayad ng kanilang mga empleyado. 

"Meron yang karampatang kulong, meron din yang kailangan ibigay yung hindi magbibigay at multa kung napatutunayan," ani del Prado. 

Nanawagan din siya na dumulog sa mga ahensiya sakaling hindi sahuran nang tama ang mga empleyado ngayong holiday season. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.