Traysikel na may dalang paputok nasunog sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 03:43 PM | Updated as of Dec 26 2018 08:39 PM

Tumakas umano ang drayber ng isang lumiyab na traysikel na may dalang mga paputok sa Bocaue, Bulacan. Jeck Batallones, ABS-CBN News

Lumiyab ang isang traysikel na may dalang mga paputok sa McArthur Highway sa Bocaue, Bulacan nitong Miyerkoles. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumayad sa kalsada ang isa sa mga dalang pailaw ng sasakyan kaya sumindi at nadamay ang ibang kargamento nito. 

"Yung ating pyrotechnic na tungkod na tinatawag kumaskas po siya... na pinagsimulan ng sunog," ani Bocaue municipal fire marshall Fire Safety Inspector Maria Leah Sajili. 

Watch more in iWant or TFC.tv

 

Agad na rumesponde ang mga bombero nang makatanggap ng ulat mula sa ilang residente ukol sa sunog at naapula ang apoy.

Walang nasaktan sa insidente, pero mabilis umanong tumakas ang nagmamaneho ng traysikel. 

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang insidente. 

Paglilinaw ni Sajili na hindi bawal ang maglipat ng mga pyrotechnics gamit ang tricycle basta may "permit to transport" ito mula sa BFP at Philippine National Police kapag mahigit isang kilong paputok ang kakargahin. 

Hindi rin dapat ito hayaang mainitan o mabasa. Dapat din daw maging maingat na hindi maputol o matumba ang mga paputok. 

Dapat ding may nakabantay na fire extinguisher at tubig sa mga tindahan at hindi bababa sa isang metro ang layo ng mga panindang paputok mula sa mga kisame. 

[BOLD] MATUMAL PA RIN

Samantala, matumal pa rin ang bentahan ng paputok sa lugar bunsod ng Executive Order 28, na nangangasiwa at kumokontrol sa bentahan ng mga paputok. 

Ayon sa tinderang si Tita Enne, may ilang sangkap sa kanilang produkto na tumaas umano ang presyo kaya nagbawas sila sa ibinebenta. 

"Maraming bagay ang nawala sa produkto kasi ang produkto natin sumobra ang taas di katulad nu'ng mga nag daang taon na medyo mababa," aniya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nakumpiska ng Manila Police District ang 200 ilegal na paputok sa isang spot inspection sa Divisoria. 

Pinapalitan pa umano ng ilang mga tindero ang packaging at pangalan ng mga ito para maibenta. 

Nagbabala rin ang mga awtoridad na araw-araw nilang iikutan ang lugar para tiyakin na hindi makakapagbenta ng ilegal na paputok. 

-- Ulat ni Jeck Batallones at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.