'Road diet' ipinanukala para 'lumuwag' ang EDSA

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 08:51 PM | Updated as of Dec 26 2018 10:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kung uso ang pagdidiyeta bilang resolusyon para sa Bagong Taon, "diyeta" rin ang nakikitang solusyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa problema sa daloy ng trapiko sa EDSA. 

Ipinasa na ng MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panukalang "road diet" o pagpapasikip ng lanes sa EDSA para makapagdagdag ng isa pang lane para mas maraming motorista ang makadaan sa naturang kalsada.

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, ibinase nila ang panukala sa pag-aaral ng World Resources Institute sa Tokyo, Japan, na nagsasabing ang mga kalsadang may speed limit na 60 kilometro kada oras (kph) gaya ng EDSA ay dapat may lawak na 2.8 metro.

Nasa 3.4 metro ang kasalukuyang lawak ng mga lane sa EDSA.

"Hindi po tayo magko-construct or magro-road widening. In fact magkakaroon ho tayo ng tsansa na magkaroon pa ng bicycle lane and wider sidewalk," ani Pialago.

Sakaling maaprubahan, mula lima, magiging anim na ang bilang ng lane sa kada direksiyon sa EDSA, na maaaring daanan ng 6,000 pang sasakyan.

Kapag naaprubahan ay DPWH na rin ang bahalang maglagay ng mga bagong linya sa kalsada at pagtukoy kung paano ipatutupad ang "road diet."

Isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang EDSA, na tumatahak sa Caloocan, Quezon City, San Juan, Mandaluyong, Makati at Pasay.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.