PNP nangakong walang pagtatakpan sa Batocabe slay

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 03:38 PM | Updated as of Jul 15 2019 12:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila pagtatakpan ang sino mang suspek sa likod ng pamamaril kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe nitong Sabado. 

Sinimulan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga ng kaso, anang PNP police chief Director General Oscar Albayalde.

Iginiit ni Albayalde na walang "whitewashing" o pagtatakip sa imbestigasyon sa pagpaslang sa kongresista. 

"I directed no less than the director of the CIDG to supervise the investigation. 'Yung NBI was also tapped to conduct their own parallel investigation. So malabong-malabo magkaroon ng whitewash dito o 'yung tinatawag na fall guy," ani Albayalde sa isang press briefing sa Albay nitong Miyerkoles. 

May anim nang persons of interest sa krimen, pero hindi pa ito maisasapubliko ng PNP hanggang wala pa silang sapat na ebidensiya, ayon sa police chief. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado si Albayalde na hirap silang makakalap ng ebidensya mula sa nasa lugar nang mangyari ang pamamaril dahil "takot" umano ang mga ito na magbigay ng pahayag. 

"Sa sobrang dami ng tao doon sa lugar na 'yun, not even one is willing to talk. Nandoon din ang barangay chairman during that time. Apparently, sabi niya, wala siyang alam," ani Albayalde. 

Hindi rin umano nakipag-ugnayan sa PNP si Batocabe nang pumunta ito sa gift giving kung saan nangyari ang pamamaril, ayon sa police chief. 

"Previously nakikipag-coordinate [sina Batocabe] para bigyan ng sapat na security. Kapag pupunta doon sa area, we have to provide the security sa area. Yung purpose doon is to maintain the peace and order not to secure the candidate," ani Albayalde.

Sinisilip ang anggulong politika sa pagpatay kay Batocabe, na tatakbo sanang alkalde sa Daraga sa 2019 elections. Tinitingnan din ng PNP kung may papel ang mga rebeldeng grupo sa pamamaslang. 

-- May ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.