Mga nagdiwang ng Pasko sa Luneta, nag-iwan ng maraming basura

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 01:48 PM


MANILA - Kinailangang ipalinis ng lokal na pamahalaan ang Luneta Park Miyerkoles matapos mag-iwan ng maraming basura ang mga nagdiwang ng Pasko sa naturang parke.

Madaling araw pa lamang ay sinimulan na ang paglilinis ng mga bote, plastic, at maging mga tira-tirang pagkain na nakakalat sa Luneta.

Nagkalat ang mga basura hanggang sa kahabaan ng Maria Orosa Street sa likod ng Rizal Park.

Sa tala ng Manila Police District, nasa 6,000 na indibidwal ang bumisita sa Rizal Park sa Maynila mula Martes ng umaga hanggang bandang alas-2 ng hapon. 

Noong mga nakaraang taon ay umaabot sa 50,000 ang bilang ng mga tao na dumadagsa sa Luneta upang magdiwang ng Pasko, sabi ng National Parks Development Committee (NPDC).

Hindi pa sinasabi ng lokal na pamahalaan kung ilang tonelada ng kalat ang kanilang nakuha mula sa naturang pasyalan.

- ulat mula kay Jervis Manahan, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.