Kongresista, amang alkalde inireklamo ng pambubugbog ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 06:04 PM | Updated as of Dec 27 2018 06:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Isang pulis sa bayan ng Guimbal, Iloilo ang binugbog umano ng isang kongresista at ng kaniyang amang alkalde nitong madaling araw ng Miyerkoles, sabi ng pulisya.

Ayon sa police report, binugbog umano nina Iloilo 1st District Rep. Richard Garin at ng kaniyang amang si Guimbal Mayor Oscar Garin si Police Officer 3 Federico Macaya. 

Base sa police report, ipinatawag ng mag-amang Garin si Macaya bandang alas-3 ng madaling araw sa Guimbal Public Plaza.

Dinisarmahan, kinapkapan, pinosasan at tinutukan din ng baril ng mag-ama si Macaya, ayon sa police report.
 
Nang nakaposas na, doon na pinagsasampal, pinagsisipa, at ilang beses ding dinuraan si Macaya, kuwento sa radyo DZMM ni Chief Superintendent John Bulalacao, direktor ng Western Visayas Regional Police.

Kasong physical injuries, alarm and scandal, direct assault against an agent of person in authority at grave coercion ang mga haharaping kaso ni Richard habang grave threat naman kay Oscar, sabi ni Bulalacao.

Watch more in iWant or TFC.tv

HUMINGI NG TAWAD

Ayon kay Bulalacao, humingi na ng tawad sa kaniya ang kongresista pero sinabihan daw niya ito na hindi niya pipigilan ang kaniyang mga tauhan sa pagsasampa ng reklamo.

"Tumawag siya (Congressman Garin) to apologize. Sabi ko naman sa kaniya, 'Cong, I will accept your apology but I cannot commit to you that my men cannot file charges against you,'" sabi ni Bulalacao.

Nag-ugat daw ang umano'y pananakit sa isa pang insidente noong Disyembre 22 na kinasangkutan ng dalawang iba pang lalaki at ng kongresista.

Nagalit daw ang kongresista kay Macaya dahil hindi nito sinunod ang pagsampa ng reklamo laban sa isang lalaki na nampukpok ng bote ng beer sa biktima.

"Nagalit daw siya (Richard Garin), sinuntok daw niya 'yong police dahil di raw sila sinunod. Dahil gusto raw nilang masampahan ng kaso 'yong suspek doon sa December 22 mauling incident," ani Bulalacao.

Pero ang mismong biktima daw sa Disyembre 22 na insidente ang tumanggi na magsampa ng kaso.

"Kaya lang sabi ng pulis 'yong victim naman ang ayaw magsampa ng kaso dahil ayaw na nga raw malaman ng magulang nila na nasasangkot siya sa gulo na ganito," ani Bulalacao.

Dahil sa insidente, inalisan na ng police escorts ang mga Garin at hiniling na rin ni Bulalacao ang pagkansela sa "deputation" ni Oscar Garin sa mga pulis.

Sinibak din sa puwesto ang hepe ng Guimbal police dahil sa kabiguan nitong ipagtanggol ang kaniyang tauhan.

--May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.