Grupo nanawagan: Basura huwag ikalat sa mga pasyalan

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 03:36 PM | Updated as of Jul 15 2019 12:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ngayong Miyerkoles ang grupong EcoWaste Coalition sa publiko na huwag magtapon ng basura sa mga pasyalan kasunod ng sangkaterbang basurang naiwan sa mga parke na pinagpasyalan ng mga tao noong Pasko. 

Ayon kay EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, ang pagkakalat ay isang masamang ugali na sumasalamin sa kawalan ng respeto at pagmamalasakit sa kalikasan at kapwa.

Wala kasing naparurusahan sa paglabag sa mga ordinansa kontra pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar kaya marami ang malakas ang loob na magkalat, ani Lucero.

Dahil sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon ay inaasahang dadagsa muli ang mga tao sa mga pasyalan. Ka umapela ang grupo sa publiko na pahalagahan ang kapaligiran at panatilihing malinis ang mga pasyalan.

Nasa libo-libong pamilya ang dumagsa sa mga parke noong Martes upang magdiwang ng Pasko. Kabilang sa mga patok na pasyalan ang Rizal Park sa Maynila at Quezon Memorial Circle sa Quezon City.

Pero sa paghupa ng tao nitong hatinggabi ng Miyerkoles, tumambad sa mga pasyalan ang sandamakmak na basura.

Umabot sa 12 dump truck ng basura ang nakolekta sa Rizal Park mula Martes hanggang bago magtanghali ng Miyerkoles, sabi ni Belle Borromeo, head ng Manila Department of Public Safety.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi raw ito nalalayo sa dami ng tambak ng basura ng mga nag-Pasko sa Luneta noong nakaraang taon, ani Borromeo.

Mga bote, plastik at tira-tirang pagkain ang ilan sa mga basurang nagkalat sa Rizal Park. Umabot din ang nagkalat na basura sa kahabaan ng Maria Orosa Street sa likod ng parke.

Nagkalat din sa Quezon Memorial Circle ang basura gaya ng mga bote, styrofoam, kariton at iba pa.

Plastik at mga pinagkainan naman ang karaniwang mga basurang naiwan sa pampang ng Marikina River. Ang iba rito ay natangay pa sa mismong ilog.

--Ulat nina Raya Capulong, Jervis Manahan, Kevin Manalo, at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.