Bangkay ng mag-amang sakay ng lumubog na bangka, natagpuan na

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2018 07:59 PM | Updated as of Dec 26 2018 11:11 PM

Sa baybaying dagat ng Cabucgayan, Biliran natagpuan ang bangkay ng apat na taong gulang na bata. Larawan mula sa Philippine Coast Guard Eastern Visayas

Natagpuan na ang dalawang pasahero ng lumubog na bangka sa karagatang sakop ng Biliran at Capoocan, Leyte, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Eastern Visayas.

Sabado ng umaga nang matagpuan sa baybayin ng Balaquid, Cabucgayan sa Biliran ang bangkay ng 4 taong gulang na si Assi Brylle Torculas.

Sumunod na araw naman nakita ang bangkay ng kaniyang amang si Sonny Boy Torculas sa dalampasigan ng Barangay Looc sa Cabucgayan.

Ayon sa PCG, naibigay na sa pamilya ang bangkay ng mag-ama.

Agad namang inilibing ang mga ito sa sementeryo ng Capoocan, Leyte.

Ang mag-ama ay kabilang sa tatlong nawawala nang lumubog ang bangkang sakay ang walong pasahero noong Disyembre 18 ng gabi. Una nang natagpuan ang bangkay ng isang bata noong nakaraang Biyernes.

Galing Cabucgayan ang mga pasahero at papunta sa Capoocan nang lumubog ang bangka dahil sa malakas na alon.

Masuwerte namang nakaligtas ang limang iba pang pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.