Mga apektado ng 'Ursula' malungkot ang Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 07:03 PM | Updated as of Dec 25 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Malungkot na Pasko ang sumalubong sa ilang residente dahil sa paghagupit ng bagyong Ursula sa Visayas. 

Simula hatinggabi, malakas na hangin at ulan ang humambalos sa Roxas City, Capiz. 

Mas tumindi ito nang mag-umaga, kung saan halos liparin na ng bagyo ang mga bubong ng bahay. 

Hinarang ng ilang bumagsak na puno at poste ng kuryente ang kalsada, at nagmistulang dagat ang mga palayan sa mga katabing-bayan. 

Napinsala rin ang ilang hanapbuhay gaya ng sari-sari store ni Karen Macalino. 

"Sobrang kanina pa po talaga ako iyak nang iyak kasi nakakaawa sitwasyon namin," ani Macalino, na natangayan ng kalahati ng kaniyang paninda dahil sa pagragasa ng baha. 

Mahigit P200,000 halaga ng pinsala naman ang naitala sa computer shop at printing press ng negosyanteng si Dexter Ablero. 

Mangiyak-ngiyak ding ikinuwento ni Annie Dela Cruz kung paano nasira ang kaniyang bahay sa hagupit ng bagyo.

"Ang bahay namin nangangalahati ng tubig tapos tumataas at tumataas," ani Dela Cruz. 

Namatay naman ang isang bata sa kasagsagan ng bagyo matapos madaganan ng puno habang natutulog. 

Lubog din sa baha ang ilang barangay sa mga bayan ng Carles at Balasan sa Iloilo nang mag-landfall ang bagyo madaling araw ng Miyerkoles. 

Dalawang senior citizen ang naitalang patay sa bayan ng Balasan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot sa 10,000 pamilya ang lumikas sa Cebu dahil sa Ursula. Nawalan ng kuryente ang ilang parte ng Cebu City at bumagsak ang ilang linya ng komunikasyon. 

Hinahanap na ang ilang nawawala. 

Hindi naman nakapag-Noche Buena ang ilan dahil napinsala ang kanilang mga bahay, bagay na ikinadismaya ng mga residente gaya nina Caridad Tumbiga. 

Watch more in iWant or TFC.tv

STRANDED 

Sa mga terminal at pantalan na nagpalipas ng Pasko ang ilang pasaherong papunta sana sa mga lugar na apektado ng bagyo.

Para sa pasaherong si Marlon Baltazar, handa siyang tumambay muna sa Pasko sa terminal. 

"Okay lang ako na dito mag-Pasko. Basta, makauwi ng New Year," pahayag ni Baltazar na nananatili ngayon sa Araneta Center Bus Terminal. 

Minabuti na rin ni Betty Cervantes na manatili rin sa terminal, nagbabakasakaling makasakay para makapiling ang mga mahal sa buhay sa Masbate. 

"Dito na lang ako, mamasahe pa ako pauwi samin. Antay na lang ako dito. Sana bukas puwede na," ani Cervantes. 

Sa North Port na nagsalu-salo ang ilang pasaherong apektado ng mga kanseladong biyahe sa barko. 

Nakiusap rin sila na mabigyan sila ng prayoridad at unang pasasakayin sakaling gumanda na ang panahon. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo naman ng ilang pasahero sa Matnog Port sa Sorsogon na may mga nakakalusot umano para makauna sa pila. 

May "lagay" umanong ibinabayad ang ilan para makauna sa pila, na itinanggi ng Philippine Ports Authority. 

"Eh talagang masama ang aming loob lalo na Pasko, hindi kami nakauwi. Nauna nga kami dito pero may nahuli na nauna pa sa amin dahil sa pera. Connivance eh, lalo na sa management at fixer, kunwari nakalagay 'no fixer' pero wala eh," ayon sa isang pasahero. 

Giit naman ni Port Police Glaine Nablo: "Dito po sa pier natin walang fixer. Siguro sa labas, kaya wag e-entertain 'yung mga ganu'ng bagay kasi baka maloko din sila." 

Nasa 7,000 ang stranded ngayon sa Matnog Terminal. 

Watch more in iWant or TFC.tv

LAGAY NG PANAHON 

Pitong beses nag-landfall ang bagyong Ursula, na napanatili ang lakas na 140 kilometro kada oras (kilometer per hour o kph) at taglay nito ang pagbugsong umaabot sa 195 kph. 

Tinatahak nito ngayon ang paggalaw pa-silangan-hilagang silangan sa bilis na 20 kph. 

Inaasahan pa ngayong araw ng Pasko ang malalakas na pag-ulan sa Calamian Islands, Cuyo Islands, at Mindoro Provinces. 

Nakataas sa ngayon ang Signal No. 3 sa mga sumusunod: 

  • Calamian Islands
  • Caluya 
  • Southern Occidental Mindoro
  • Southern Oriental Mindoro

Signal No. 2 naman ang nakataas sa mga sumusunod: 

  • Batangas
  • Cuyo Islands
  • Lubang Island
  • Hilagang Antique
  • Hilagang bahagi ng mainland Palawan
  • Hilagang kanlurang Aklan 
  • Marinduque
  • Nalalabing bahagi ng Occidental Mindoro
  • Nalalabing bahagi ng Oriental Mindoro
  • Romblon

Signal No. 1 naman ang nakataas sa mga sumusunod:

  • Bataan
  • Capiz
  • Cavite
  • Katimugang bahagi ng Quezon
  • Laguna
  • Nalalabing bahagi ng Aklan 
  • Nalalabing bahagi ng Antique
  • Nalalabing bahagi ng hilagang mainland Palawan

Inaasahang aalis na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Biyernes ng gabi hanggang umaga ng Sabado kung magpapatuloy ang galaw nito, ayon sa PAGASA. 

Maaaring si Ursula na ang huling bagyo na tatama sa PAR ngayong 2019. -- May ulat nina Cherry Palma, Annie Perez, Karren Canon, Doland Castro, at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.