Ilang pasaherong naghihintay ng biyahe sa Batangas, sa labas na ng pantalan nag-Pasko

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 06:14 PM

Ngayong Pasko, hindi sa kani-kanilang tahanan at probinsiya kundi sa kalsada nagdiriwang ang ilang pasahero na naghihintay ng biyahe sa Batangas port.

Ang mag-anak ni Marlo Malhabor, sa sasakyan na lang umano nila itutuloy ang pagsasalo-salo ng mga baong pagkain.

Nagbabakasakaling makakasakay papuntang Bacolod ang mag-anak nina Marlo upang magdiwang ng Pasko at Bagong Taon.

"Kuwan baka makasakay o hindi...bahala na sila kung ano ang kuwan nila kung mapabiyahe o hindi," aniya.

Pa-Bacolod din sina Jison dela Rosa na dapat sana ay nasa probinsiya na kung hindi nakansela ang biyahe.

"Eh 'di nakauwi na sana kami kahapon ng tanghali, andun na sana kami, pero dahil sa ginawa sa 'min ng 2Go, hindi naman sila nagbigay ng advance warning, sana hindi na kami tumuloy 'di ba?" aniya.

Stranded din si George Magboo na nakisakay lang sa ilang kaanak na pauwi sa Calapan, Oriental Mindoro.

"Medyo malungkot kasi Pasko eh, dapat kapiling namin 'yung pamilya namin, eh ngayon hindi, dito kami nag-Pasko," aniya.

Samantala, nanawagan naman ang mga pahinante at drayber ng apat na trak na may lamang prutas at gulay na mauna na sana umano silang makasakay kung sakaling magkaroon na ng biyahe sa pantalan.

Dalawang araw na umano kasi silang naghihintay at nangangambang baka mabulok ang mga dala nilang bukod sa gulay ay mga bilog na prutas gaya ng mansanas at orange.

"Ang sabi po sa amin ay kung magkaroon ng problema at mabulok eh kami ang magbabayad nun," ayon sa pahinante na si Jhakecob Aguilar Varona. 

Sa loob naman ng terminal, pinilahan ng mga stranded na pasahero ang tindahan ng kape at cup noodles na siya nilang kakainin ngayong Pasko.

Ayon sa Asian Terminals Incorporated (ATI), nasa 914 na pasahero at 70 sasakyan ang stranded ngayon sa nasabing pantalan.

Patuloy naman ang pagaabiso ng ilang kawani ng ATI na mayroon na muling mga shuttle na maghahakot ng mga pasaherong nais na munang umuwi.

Nitong Martes ng gabi, namahagi rin ang port management ng tinapay at juice sa mga stranded na pasahero sa loob ng pantalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.