Ilang lambanog samples sa Laguna nakitaan ng nakalalasong methanol: FDA

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 06:45 PM

MAYNILA - Nagpositibo sa mataas na antas ng nakalalasong methanol ang lima sa pitong bote ng lambanog mula sa Rizal, Laguna na isinailalim sa pagsusuri, ayon sa Food and Drug Administration. 

Ayon kay FDA officer-in-charge Eric Domingo, lumalabas sa pagsusuri na may 11.4 hanggang 18.2 porsiyentong methanol ang samples na nakuha nila sa ilang lambanog stores sa bayan. 

Kabilang dito ang Rey Lambanog Store, ang pinagkuhanan ng lambanog na sinisisi sa pagkakaospital ng 300 katao at pagkamatay ng 15 katao. 

Ayon kay Domingo, higit na sobra ang mga nakita sa dapat na nibel (level) ng methanol sa isang alak. 

"Dapat less than 1 percent ang methanol content kasi toxic ito sa katawan ng tao," pahayag niya. 

Pero ayon sa toxicologist na si John Paul Ner, dapat walang methanol ang mga alcoholic drinks. 

Dapat ding maayos ang pagkaproseso nito para mawala ang methanol content ng alak. 

"'Yung sa mga alcoholic drinks na iniinom nation ay ethanol iyan... methanol is poisonous," ani Ner. 

Babala pa ng FDA, bawal ang magbenta ng produktong walang tamang tatak o labelling. 

"Labelling is important, malalaman kung sino ang manufacturer, contact number, at address nito," ani Domingo. 

Nanawagan din ang FDA sa lokal na pamahalaan na tulungan silang mag-monitor ng mga pagkain at inumin sa kani-kanilang lugar. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.