2 bayan sa Occidental Mindoro 'isolated' matapos bayuhin ng 'Ursula'

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2019 11:20 PM

MAYNILA - Napinsala ang ilang estruktura at na-isolate ang dalawang bayan sa probinsiya ng Occidental Mindoro na matinding binayo ng bagyong Ursula, ayon sa disaster risk reduction office ng probinsiya. 

Nagkalat ang mga poste at puno, at nawasak ang ilang bahay sa dalawang bayan ng San Jose at Magsaysay, ayon kay Mario Mulingbayan, pinuno ng disaster risk reduction management office ng Mindoro.

Makikita naman sa kuhang video ng mga Bayan Patroller ang paghambalos ng bagyo sa kanilang lugar. 

 

Kabilang din sa mga estrukturang nasira ang higanteng Christmas tree sa harap ng munisipyo ng San Jose, batay sa kuha ng Bayan Patroller na si John Felix. 

Sa San Jose dumaan ang sentro ng bagyo. 

Kasalukuyang nakataas ang Signal No. 3 sa southern Occidental Mindoro, na kinabibilangan ng San Jose at Magsaysay, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o state weather bureau PAGASA. 

-- May ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.