PANOORIN: Libo-libo pumila para sa pamasko ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2018 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong Pinoy ang nagtiis na pumila sa Davao City ngayong Pasko para makatanggap ng regalo mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinatayang nasa 60,000 ang bilang ng mga taong pumila sa labas ng ancestral house ni Duterte sa Bangkal, Davao City nitong Martes para sa "gift giving" o pamimigay ng regalo ng pangulo at ng pamahalaang lokal ng Davao.

Halos umabot sa dalawang kilometro ang haba ng pila, na kinabibilangan ng mga matatanda at mga buntis.

Kuwento ni Imelda Infiesto, hatinggabi pa lang ay pumila na siya para makakuha ng regalo.

Nagtiyaga raw siya ng 11 oras para makuha ang grocery, food packs, gift check, at P150 cash.

Dahil sa haba ng pila, ilang matanda ang hinimatay habang ang iba ay umuwi na lang dahil sa gutom.

Nasa 40,000 food packs lang ang inihinda ng mga organizer para sa mga dadalo at hindi raw nila inasahang mas marami pa rito ang pipila, ani Angel Sumagaysay, deputy for operations ng Davao City Public Safety and Security Command Center.

Nagdagdag din ng seguridad sa lugar para matiyak na walang mangyayaring stampede.

Bago pa naging pangulo, taon-taon nang namamahagi ng regalo si Duterte noong alkalde pa lang siya ng Davao City.

--Ulat ni Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.