Libo-libong pamilya, nag-Pasko sa mga parke

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2018 08:09 PM

Libo-libong tao ang dumagsa sa mga parke ngayong Martes, Araw ng Pasko, para mamasyal at magliwaliw.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 6,000 indibidwal ang bumisita sa Rizal Park sa Maynila, base sa tala ng Manila Police District bandang alas-2 ng hapon. 

Pero inaasahan naman ng National Parks Development Committee (NPDC) na lolobo pa ang bilang ng mga tao, na kadalasan daw ay umaabot sa 50,000.

Tradisyon na raw talaga para sa ibang pamilya ang pagtungo sa Luneta tuwing Pasko tulad ng pamilya Reginaldo ng Tondo, Maynila.

"Kasi siyempre lagi na lang sa bahay, laro nang kung ano-anong laro, eh dito nakakapagtakbuhan sila (mga anak), marami silang nakikita," sabi ni Anita Reginaldo. 

Ilang dayuhang turista rin sa Rizal Park ang nagpahayag ng kanilang tuwa na maranasan ang Pasko sa Pilipinas. 

Ilan sa mga kinagiliwan ng mga namasyal sa Luneta ang dancing fountain na binuksan alas-6 ng gabi at ang libreng concert sa Rizal Park Open Air Auditorium na nilahukan ng higit 10 performer.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bago nito, libo-libong pamilya din ang piniling salubungin ang Pasko sa Rizal Park.

Bukod sa Rizal Park, dumagsa rin ang mga tao sa Manila Zoo.

Umabot sa 7,000 ang crowd estimate sa zoo bandang hapon ng Martes, ayon sa pamunuan ng zoo. 

Kinagiliwan ng mga namasyal sa Manila Zoo ang elepanteng si Mali at tigreng si Romeo.

Napuno rin ng mga namamasyal ang Quezon Memorial Circle sa Quezon City. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilan sa mga aktibidad sa Quezon Memorial Circle ang pag-picnic sa damuhan, pag-shopping sa mga tiyangge, at panonood ng concert.

"Nakakapag-relax at saka malamig, may mga puno, maraming tanawin," sabi ni Carmen Orlina, na pumunta sa Circle kasama ang pamilya. 

May alok ding rides sa Circle gaya ng de-pedal na go-kart at boat ride, na masasakyan sa halagang P100 hanggang P200.

Bagaman libre ang entrance fee sa parke, may bayad ang parking ng sasakyan doon. 

Tinatayang higit sa daang libo ang bumisita sa SM By the Bay sa Mall of Asia Complex sa Pasay City, kung saan marami ring kainan at rides. 

Pinili naman ng iba na magdiwang ng Pasko sa Tagaytay City dahil malapit lang sa Metro Manila at malamig ang klima.

Bandang alas-4 ng hapon, umabot sa 11,000 ang crowd count sa isa sa mga pangunahing destinasyon sa lungsod na Picnic Grove, ayon sa pamunuan ng parke.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa P50 ang entrance fee kada tao sa Picnic Grove pero libre para sa mga batang apat na taon gulang pababa.

Ilan sa mga aktibidad sa Picnic Grove ay horseback riding, zipline, at pagsakay sa mga ride gaya ng higanteng ferris wheel.

Kaakit-akit din ang view ng Taal Lake at Bulkang Taal mula sa parke kaya marami ang nagpa-picture.

May mga nakipag-bonding at nagpa-picture din sa mga hayop sa Adventure Jungle.

Sa halagang P199, nasubukan din ng mga namamasyal ang fish spa kung saan sa loob ng 30 minuto ay inilublob nila sa aquarium ang kanilang mga paa, na minamasahe ng mga doctor fish.

Pero dahil sa dagsa ng turista, sumikip din ang daloy ng trapiko sa Tagaytay City.

Watch more in iWant or TFC.tv

Maliban sa mga parke, dinagsa rin ng mga mamimili ang Divisoria, Maynila.

Madaling araw pa lang ay nagbukas na ang ilan sa mga tindahan sa Divisoria dahil nais ng mga tinderong makabawi kahit ng puhunan man lang matapos maging matumal ang benta noong mga nagdaang araw

Bago magtanghali ay siksikan na sa Divisoria at hindi na madaanan ng mga sasakyan ang ilang kalsadang sinakop ng mga tindahan. 

--Ulat nina Zen Hernandez, Arra Perez, Adrian Ayalin, Jervis Manahan, Dennis Datu at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.