Biker na na-'Ondoy', isa sa namahagi ng pamasko sa mga nakatira sa kalsada

ABS-CBN News

Posted at Dec 25 2017 09:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinadama ng isang grupo ng bikers nitong Lunes ang diwa ng Pasko sa mga nakatira sa lansangan. 

Isa sa mga namahagi ng pamasko si Rupert Magbuo na minsan na ring nakaranas ng hirap nang masira ng bagyong “Ondoy” ang kaniyang kabuhayan noong 2009. 

Pero bukod sa pagkawala ng pagkakakitaan, nagkaalitan pa sila ng kaniyang ama dahil sa negosyo hanggang sa naghirap siya. 

“Napakahirap pala nang ikaw ang nasa gano’ng sitwasyon, ikaw ang nangangailangan. Di mo alam kung kanino ka hihingi ng tulong, hangga't maaari ayaw ko nang maranasan ‘yun,” ayon kay Magbuo. 

Pero dahil sa tulong at suporta ng kaniyang mga kaibigan, nakabangon muli si Magbuo at sila naman ang tumutulong sa iba ngayong Pasko.

“Mas maganda na ikaw na 'yung magbigay kaysa ako ang bibigyan pa,” aniya. 

Nag-ikot si Magbuo at mga kaibigan niya sa mga lansangan sa Maynila para mag-abot ng munting pa-Noche Buena. 

Isa sa mga nabigyan si Rodrigo Reyes na pitong taon nang nakatira sa Liwasang Bonifacio. 

Sa Liwasan na rin lumaki ang kaniyang mga anak.

“Nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos na may umunawa sa amin kahit ganito ang aming lagay… Kung ano pong binibigay sa'min na biyaya na sobra, pinapamahagi rin po namin,” ayon kay Reyes. 

Hirap man sa buhay, nagpapasalamat siya sa mga taong nagsilbing Santa Claus ng kaniyang pamilya ngayong Pasko.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.