Mga residente ng coastal barangays sa ilang bayan sa Cebu, lumikas na

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 09:56 PM

Nagsilikas na mula sa kanilang mga bahay nitong Martes ang ilang residente sa Medellin sa Cebu lalo na ang mga nakatira malapit sa dagat at mga bahaing lugar.

Pansamantalang sumisilong sa mga public school buildings na ginawang evacuation center ang mga residenteng nagsilikas.

Alas-4 pa lang ng hapon, nagsimula nang dumating sa mga evacuation centers ang mga residente sa takot sa pagtama sa kanilang lugar ang bagyong Ursula.

Lumikas ang ilang mga residente ng coastal barangays ng Medellin, Cebu dahil sa banta ng bagyong Ursula. Aiza Layague, ABS-CBN News

Samantala, nagsagawa na rin ng forced evacuation ang bayan ng Daanbantayan.

Aabot na sa 400 indibidwal ang nagsilikas sa mga evacuation centers lalo’t nakakaranas na ng malakas na ulan at hangin ang Northern Cebu.

Nawalan na rin ng kuryente ang tatlong barangay sa Daanbantayan-- ang Barangay Maya, Tapilon at Talisay.

Kapwa nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal no. 3 ang Medellin at Daanbantayan, maging ang ibang mga bayan sa Northern Cebu tulad ng Bantayan, Sta. Fe, Madridejos, San Francisco, Poro, Tudela, at Pilar.