Kumakalat na address ng 'Ateneo bully,' tirahan pala ng pastor

Ron Gagalac, ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2018 04:59 PM | Updated as of Jul 15 2019 12:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kumalat sa social media ang isang address sa Cainta, Rizal, na sinasabing tirahan umano ng estudyante ng Ateneo Junior High School na nakuhanan ng video na nam-bully sa kaniyang kamag-aral.

Pero ang nakatayo pala sa naturang address na kumalat ay isa palang eskuwelahan at simbahan na Peacemakers Christian Family Church. Doon din nakatira ang pamilya ng pastor ng simbahan na si Rully Taculod, na nagreklamo matapos makatanggap ng libong halaga ng mga delivery at mga banta sa buhay.

Ayon kay Taculod, noong Sabado ay nakatanggap sila ng delivery mula sa isang fast food restaurant na nagkakahalagang P7,000 na sinundan naman ng P5,000 halaga ng pagkaing na-deliver naman sa kanila mula sa pizza restaurant.

Ang pangalan daw na binanggit ng mga nag-deliver sa mga pagkain ay ang pangalan ng estudyanteng sangkot sa pang-aapi sa Ateneo Junior High School na hindi naman daw nakatira sa kanilang lugar, ani Taculod.

"Nagkaroon ng actual delivery na wala naman kami ino-order," ani Taculod.

"Sabi ko, 'Hindi naman dito 'yan nakatira' kaya hindi namin tinanggap."

May nag-deliver din daw sa kanila mula sa isang online shopping site na mga cellphone, iba pang gadget at sofa na nagkakahalagang P63,000.

Bukod sa mga gamit, nakatanggap din daw ang pamilya ng mga banta sa kanilang buhay online.

"Sinasabi nila kailangan padalan ng bomba 'yan, pasabugin 'yan, bugbugin 'yong nakatira dito. Sobra na, mangangamba ka na," ani Taculod.

Umapela ang pamilya Taculod sa mga awtoridad na hanapin ang pasimuno sa pagpapakalat ng kanilang address, at sa mga netizen na tigilan na ang pamba-bash sa kanila gayong wala naman daw silang relasyon sa estudyante ng Ateneo.

Nagpaskil na ang simbahan at eskuwelahan sa labas ng pasabi na hindi doon nakatira ang estudyante ng Ateneo at hindi nila tatanggapin ang ano mang delivery sa pangalan nito.

Bukod sa address ng mga Taculod, kumalat din sa social media na isang pulis din daw ang ama ng estudyante sa Ateneo.

Ayon sa Philippine National Police, wala silang rekord ng pangalan ng sinasabing ama ng esutdyante sa Ateneo.

"Hindi po totoo na ang father noong bully na 'yan ay pulis," sabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones na re-review-hin nila ang pagkaka-dismiss sa estudyante ng Ateneo at kung may pananagutan din ang kumuha ng video.

Iimbestigahan din daw ng Department of Education kung may pananagutan ang Ateneo.

Nag-viral sa social media kamakailan ang video kung saan mapapanood ang isang estudyante ng Ateneo Junior High School na hinamon ang kaniyang kamag-aral sa loob ng comfort room ng paaralan bago niya ito sinipa at pinagsusuntok. 

Umani ng batikos ang video mula sa netizens at ilang kilalang personalidad, kabilang ang mga celebrity at opisyal ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.