Biyahe sa ilang pantalan, bus port na-delay dahil sa trapik, paparating na bagyo

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 07:40 PM | Updated as of Dec 23 2019 09:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Libo-libo ang dumagsa ngayon sa mga terminal para bumiyahe at makapiling ang mga mahal sa buhay, dalawang araw bago mag-Pasko. 

Pero napipinto ang pagkaantala sa ilang biyahe dahil sa paparating na bagyong Ursula, maging sa trapikong nararanasan sa ilang probinsiya sa southern Luzon. 

Inaaasahang papalo sa 8,000 ang bilang ng mga pasaherong bibiyahe sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta City Bus Port, ayon sa kanilang pamunuan. 

Naantala ng hanggang 2 oras ang biyahe ng ilang bus sa Araneta City Bus Port matapos ma-traffic sa bahagi ng Bicol Region at bayan ng Sariaya sa Quezon ang ilang bus, bunsod ng mga pagkukumpuni sa mga kalsada. 

Ayon kay Ramon Legaspi, port manager ng Araneta City Bus Station, mamimigay sila ng libreng pagkain sa mga magpapalipas ng gabi sa istasyon dahil sa naantalang mga biyahe. 

"Hinihingi lang natin ng konting konsiderasyon sa ating mga pasahero sa pagkaantala ng ating biyahe," ani Legazpi. 

Pumalo naman sa halos 100,000 ang bilang ng mga pasahero sa mga pantalan sa Davao, Batangas, at Palawan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG). 

Nasa 2,000 naman ang nasa pier sa Maynila. 

Pero sa pinakahuling anunsiyo ng PCG, sinuspende muna ang biyahe ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat dahil sa paparating na bagyong Ursula. 

Kabilang dito ang biyahe pa-Sorsogon, Masbate, Samar Island, Leyte, Southern Leyte, Northern at Eastern Cebu, gayundin ang mga papunta sa ilang parte ng Bohol, Dinagat Islands, at Surigao Del Norte. 

Kanselado na ang ilang flights ng Cebu Pacific at Philippine Airlines sa inaasahang pagpasok ng bagyo. 

Pero ipinayo ng mga awtoridad sa mga pasahero na i-monitor at makipag-ugnayan sa mga bus companies para hindi ma-stranded lalo na sa mga bibiyahe sa Martes, bisperas ng Pasko.  -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.