Bilang ng patay, naospital dahil sa lambanog umakyat pa

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2019 04:33 PM | Updated as of Dec 23 2019 09:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pumalo na sa sampu ang namatay habang hindi bababa sa 250 ang naospital matapos makaranas ng alcohol poisoning makaraan umanong uminom ng lambanog sa ilang bayan sa Laguna at Quezon Province. 

Sa Rizal, Laguna, umakyat na sa 10 ang patay, habang nasa 259 ang naospital, ayon sa alkaldeng si Vener Muñoz, dahilan para magdeklara sila ng "state of emergency" sa bayan. 

Isinugod sa iba't ibang ospital ang mga biktima, kabilang na ang Philippine General Hospital sa Maynila at Rizal Medical Center. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Simula noong Linggo, 83 ang isinugod sa Rizal Medical Center. Pero 8 na lang ang nananatili sa ospital. 

Isinugod ang nasa 140 katao sa PGH, pero nasa 63 na lang ang natitira. Kabilang ang ilang menor de edad sa mga nabiktima. 

Nanawagan na ang Rizal Medical Center (RMC) na ipagpaliban na muna ang pag-inom ng lambanog ngayong Kapaskuhan. 

"Iwasang uminom ng lambanog, kahit anong brand. Huwag na ito ang iregalo nila. Iba na lang," ani Dr. Maria Rica Lumague, chief of medical professionals ng RMC. 

Samantala, dalawa naman ang patay habang dalawa ang kritikal sa bayan ng Candelaria sa Quezon Province sa pag-inom umano ng lambanog. 

Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Ernesto Aguilar, 54, habang ang pangalan ng isa pang biktima ay hindi pa inilalabas ng pulisya. Na-discharge na mula sa ospital ang 4 na iba pang uminom ng lambanog.

Mataas daw ang antas ng methanol ng mga lambanog na ipinagbabawal na gamiting "extender" o pampatagal-buhay ng mga alak, ayon sa Food and Drug Administration. 

Kumuha na ang mga awtoridad ng sample ng ininom na lambanog ng mga biktima at mga itinitindang lambanog para ipasuri sa Food and Drug Administration.

Iniutos na rin ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang pansamantalang pagbabawal ng lambanog sa Laguna habang iniimbestigahan ang insidente. 

Sumuko na rin sa awtoridad ang may-ari ng "Rey Lambanog" na pinaniniwalaang gumawa ng lambanog na nakalason sa mga biktima sa bayan ng Rizal, Laguna. 

Nangako umano ang may-ari na si Fred Rey na sasagutin nito ang mga gastusin ng mga biktima, ayon kay Rizal police chief Capt. Lindley Tibuc. 

Tumangging magbigay ng pahayag si Rey, na nahaharap sa reklamong negligence resulting in multiple homicide. -- May ulat nina Jonathan Magistrado at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.