Maulang Divisoria dinagsa pa rin para sa last-minute Christmas shopping

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 07:21 PM | Updated as of Jul 14 2019 11:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maulang last minute Christmas shopping ang naranasan ng ilang mamimili sa Divisoria ngayong Linggo pero hindi sila nagpaawat para samantalahin ang bagsak-presyong mga bilihin.

Sa huling araw bago ang bisperas ng Pasko, pinagkakaguluhan na ng mga mamimili ang bagsak-presyong mga paninda sa Divisoria.
 
Ang mga branded na damit na P100 noong Sabado, ngayon ay nasa P50 na lang.
    
Maulan ang panahon buong araw at medyo maputik din pero di pa rin natinag ang mga dumayo sa Divisoria.
    
Si Marjorie Dublin, nahirapan man ay nabili naman ang paboritong laruan ng anak sa halagang P25.

"Mahirap po kasi maulan tapos nauulanan 'yung anak ko. Eh kasi pagka-Linggo lang po may oras eh," aniya.

Marami pang bilihin na mapapakyaw nang mura, kasama na rin ang mga prutas na ihahain sa Noche Buena.

Ang kiat-kiat ay nasa P35 ang kilo, mansanas ay P100 ang tumpok, ubas ay nasa P80 ang kilo, at peras ay P50 kada kilo.

Magdamagan pa ring bukas ngayong araw ang mga tiangge sa Divisoria.
    
Dahil sa sama ng panahon, hindi rin gaanong traffic papunta sa pamilihan.

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.