Maaliwalas na panahon inaasahan sa Pasko: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 04:41 PM

Taliwas sa panahong naranasan ngayong Linggo, mas malaki ang tiyansa ng maaliwalas na Pasko sa Martes, ayon sa state weather bureau PAGASA. 

Sa panayam ng DZMM kay PAGASA weather forecaster Raymond Ordinario, posibleng matunaw na ngayong araw ang mga kaulapang nagdadala ng pabugso-bugsong ulan sa Metro Manila.

"Mas possible scenario as of now 'yung mga kaulapan na dala ng LPA (low pressure area) ay mataas ang tiyansang matunaw within the day... [So] by coming Monday start na po tayo ng expected improving weather dito sa kabuuan ng Luzon," ani Ordinario. 

"Posible po tayong magkaroon ng maaliwalas na panahon by coming Tuesday (Pasko)," dagdag niya. 

Ngayong Linggo ay nakaranas ng mga pag-ulan sa iba't ibang bahagi ng Maynila kaya nangamba ang marami na baka maging masama rin ang panahon sa paparating na Pasko. 

Ayon kay Ordinario, amihan pa rin ang nakakaapekto sa kabuuang Luzon na nagdadala ng mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, at Calabarzon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.