Ateneo student na 'nanggulpi' sa kamag-aral, na-dismiss

ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 02:03 PM | Updated as of Dec 23 2018 07:34 PM

Nagdesisyon ang administrasyon ng Ateneo De Manila University na i-dismiss ang isa sa kanilang junior high school student na nakuhanan ng video na nambu-bully o nang-aapi ng kamag-aral.

"After a thorough investigation that included listening to all parties involved, the decision of the administration is to impose the penalty of dismissal on the student caught bullying another student in the comfort room of the school," sabi ngayong Linggo ni Ateneo President Jose Ramon Villarin sa isang pahayag.

"This means that he is no longer allowed to come back to the Ateneo," paliwanag sa pahayag.

Ayon pa kay Villarin, bagaman may mga patakaran na ang unibersidad kontra bullying, bumuo pa rin siya ng task force na pag-aaralan kung dapat pang dagdagan ang mga patakaran para matiyak na ligtas mula sa pang-aapi ang mga estudyante.

"I have thus created a Task Force to conduct a comprehensive study on the current situation, ensure an independent audit of our present measures and systems, and promptly recommend to administration how we can create a safe and bully-free environment," sabi sa pahayag.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinuri naman ng Malacañang ang mabilis na pag-aksiyon ng Ateneo sa insidente.

"The Palace commends the school administration’s swift action on the case of this student," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag.

Sana raw ay magsilbing paalala ang insidente na hindi dapat pinalalampas ang mga insidente ng bullying.

Hinimok din ng Palasyo ang mga paaralan sa bansa na magtatag ng mga mekanismo upang mahigpit na mabantayan ang mga insidente ng bullying pati na rin ang mahigpit na pagpapatupad sa Anti-Bullying Law.

Nag-viral sa social media kamakailan ang video kung saan mapapanood ang isang estudyante ng Ateneo Junior High School na hinamon ang kaniyang kamag-aral sa loob ng comfort room ng paaralan bago niya ito sinipa at pinagsusuntok.

Umani ng batikos ang video mula sa netizens at ilang kilalang personalidad, kabilang ang mga celebrity at opisyal ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.