2 araw bago mag-Pasko, libo-libo dagsa sa QC bus terminals

Kevin Manalo at Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Dec 23 2018 01:02 PM | Updated as of Jul 31 2019 05:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong pasaherong hangad na makauwi sa kanilang mga probinsiya para sa holiday season ang dumagsa sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City ngayong Linggo, dalawang araw bago mag-Pasko.

Walang katiyakan ang ibang pasahero na makauwi para sa Pasko, lalo at sinasabihan sila ng mga booth operator na karamihan sa mga biyahe ay "fully booked" o puno na.

Sa kabila nito, marami pa rin sa mga pasahero ang nananatili sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port, at umaasang makatsamba ng biyahe.

Isa rito si Roselle Buna na nabigo nitong mga nagdaang araw na maka-book ng tiket pauwi ng Camarines Sur dahil abala sa kaniyang trabaho.

Nananatiling positibo si Buna na makauuwi bago mag-Pasko kahit sinabihan daw siya ng booth operator na sa Disyembre 30 pa magkakaroon ng available na bus.

"Hangga’t may last hour pa," sabi ni Buna.

Mula alas-5 ng hapon pa noong Sabado nag-aabang ng biyahe pa-Samar si Glenda Gonzaga at ang kaniyang dalawang taong gulang na anak na si Emmanuel.

Sinubukan na daw ni Gonzaga na makiusap sa mga bus driver na isabay sila pero tumanggi daw ang mga ito dahil umiiwas sa overloading.

"Napakihirap na po," ani Gonzaga. "Sana po makarating kami bago mag-Pasko."

Tinatayang nasa 1,800 hanggang 2,000 ang bilang ng mga pasaherong nasa mga bus terminal sa Cubao ngayong Linggo, sabi ng Quezon City Police District.

Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, may paparating na mga bus na may special permit para sa mga pasahero.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, bukod sa bus terminals, dagsa rin ang mga pasahero nitong Linggo sa Batangas Port.

Dahil maulan, karamihan sa mga pasahero ay nagsisikan sa mga tent para hindi mabasa.

Bandang tanghali, nagtala ang Philippine Coast Guard ng higit 14,000 pasahero sa pantalan.

Bagaman maulan, hindi pa nagkakansela ng biyahe sa Batangas Port dahil wala pa naman daw storm o typhoon signal warning sa Batangas o sa mga lugar na pagdadaungan ng mga barko.

Binabantayan naman daw nang maigi ng Philippine Coast Guard ang lagay ng panahon para matiyak na ligtas ang magiging biyahe ng mga barko.

Mahigpit ding nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa mga kapitan at namamahala ng barko na pairalin ang precautionary measures tuwing naglalayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.