'Mga paaralan obligadong aksiyunan ang bullying sa campus'

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2018 10:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong linggo lamang ay nag-viral ang isang video ng batang nanggulpi sa kapwa-estudyante sa mismong campus ng Ateneo De Manila University Junior High School. 

Hindi din umano iyon ang unang pagkakataon na nasangkot sa bullying ang naturang bata. 

Giit ng abogadong si Atty. Claire Castro, obligadong aksiyunan at imbestigahan ng eskuwelahan ang mga insidente ng bullying sa kanilang mga campus. 

"Kung hindi ito iisang beses nangyari, bakit napayagang maulit nang maulit ng school? Unless walang kaalam-alam 'yung school. Kasi obligasyon ng school na kapag may mabalitaan na ganyan is talagang magkaroon ng imbestigasyon," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes. 

"Di na dapat pinaabot ng ilang beses para humantong sa ganitong pagkakataon."

Ayon kasi sa Republic Act 10627 o "Anti-Bullying Act of 2013" mandato ng bawat paaralan na maaksiyonan ang mga insidente ng bullying sa kanilang mga campus. 

Kung mapapatunayang may pagkukulang ang paaralan sa pagiimbestiga ng insidente, maaaring tanggalin ng Department of Education ang lisensya nito, ayon kay Castro. 

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pamunuan ng Ateneo Junior High School ang insidente. Samantala, nakapaghain na ng police report ang magulang ng na-bully na estudyante. 

Nanawagan din ang Ateneo na itigil na ang pagpapakalat sa video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.