Mga biyahe paprobinsiya para sa Pasko, Bagong Taon, 'fully booked' na

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2018 08:06 PM

Dagsa pa rin ang mga pasahero na nais lumuwas pa-probinsiya ngayong Christmas vacation, tatlong araw bago mag-Pasko.

Punuan ang mga pantalan, terminal, at paliparan ng mga pasaherong nais magbakasyon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Magmula Biyernes, nasa 5,000 na ang bilang ng mga pasaherong pumunta sa Araneta Center Bus Terminal, ayon sa pamunuan nila.

Karamihan umano rito ay mga chance passenger dahil fully-booked na ang karamihan ng mga biyahe hanggang sa araw ng Pasko.

Fully-booked na din ang karamihan ng mga biyaheng pa-Western at Eastern Visayas, at Bicol Region hanggang Disyembre 24.

Punuan na rin ang mga bus na biyaheng norte sa ibang terminal sa Quezon City. Samantala, fully-booked na hanggang Disyembre 31 ang mga biyaheng pa-Baguio at Tugueguerao.

Pero sa kabila nito, patuloy ang dagsa ng mga tao na nagdulot na ng matinding trapiko sa paligid ng mga terminal.

INSPEKSIYON

Hindi naman pinayagang bumiyahe ang nasa 10 bus nang makitaan ng ilang paglabag sa inspeksiyon ng Inter-Agency Council on Traffic (i-ACT) nitong Sabado.

Kabilang sa mga nakitang paglabag ang mga sirang wiper at pagiging kolorum.

LAGAY NG TRAPIKO

Normal pa ang daloy ng mga sasakyan sa northbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) habang moderate to heavy naman ang daloy ng trapiko sa southbound lane ng highway, partikular na sa Cloverleaf Balintawak.

Samantala, maluwag ang trapiko sa may northbound lane ng Calamba toll plaza ng South Luzon Expressway (SLEX), habang masikip naman sa southbound lane nito.

Libo-libong motorista ang inaasahang dadaan ng Tarlac-La Union Expressway mula Maynila ngayong araw.

Naka-alerto ang mga security personnel para tulungan ang mga motoristang makararanas ng aberya.

Libre naman ngayong Christmas Eve at New Year's Eve mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng madaling araw ang toll fees sa Ninoy Aquino International Airport Expressway, Skyway, Star tollway, at SLEX.

MGA PANTALAN PUNUAN RIN

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, maaga pa lang ay dinagsa na ang mga pantalan, partikular na sa Batangas at Cebu ports.

Mula alas-12 ng tanghali ay nasa 6,000 pasahero na ang bumiyahe mula sa Batangas Port.

Sa Matnog Port, aabot na sa 5 kilometro ang pila ng mga sasakyan na ikakarga ng Roro vessel papuntang Allen, Northern Samar.

Bagama't tuloy tuloy ang biyahe ng mga vessel ay binawasan ito para maiwasan ang disgrasya dulot ng mga malalaking alon.

Natatagalan din ang pagbaba ng mga sasakyan mula sa barko dahil sa malalakas na alon dito.

MGA PALIPARAN PATULOY NA DINARAGSA

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, patuloy pa ring dumarami ang bilang ng mga pasahero sa NAIA na tumutulak papunta at palabas ng Kamaynilaan.

Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), pumalo sa 150,000 ang bilang ng mga pasahero nitong linggo, mas mataas ng 10 porsiyento kumpara noong 2017.

Dahil dito ay nagkaroon pa ng matinding pagbigat ng daloy ng trapiko mula sa Tramo at NAIA expressway hanggang sa departure area ng apat na terminal.

Sinigurado naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar na naka-heightened alert ang pulisya sa kabuuan ng holiday season.


-- May ulat nina Angel Movido, Bianca Dava, at Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.