'Maluhong' PCSO Christmas party, nais paimbestigahan sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 09:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak idulog sa Senado ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam ang aniyang maluhong Christmas party ng ahensiya na ginastusan umano ng halos P10 milyon.

Ginanap ang party noong Disyembre 19 sa isang ballroom ng kilalang hotel.

Pero depensa ni PCSO General Manager Alexander Balutan, nasa P6 milyon lang ang aktuwal na ginastos para sa party.

Nasa P5.3 milyon ang inilaan umano para sa raffle prizes, habang halos P400,000 naman para sa mga pa-contest.

Kung nakalaan ito sa higit 1,500 na kawani ng PCSO, papatak na higit P3,700 ang naging budget kada empleyado.

Para kay Cam, napakagarbo umano ng party lalo't dapat nakatutok ang PCSO sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap.

"It's really a lavish, grandiose celebration," ani Cam sa programang Headstart ng ANC.

Si Cam ay isang dating jueteng whistleblower at kilalang dikit kay Pangulong Rodrigo Duterte. Pero giit niya, di siya nag-iingay para makuha ang posisyon ni Balutan.

Base sa dokumentong ipinakita ni Cam, nasa higit P14 milyon ang inisyal na pondong inilaan para sa kontrobersiyal na party, ngunit ibinaba ito sa P11.1 milyon, hanggang bumaba sa P10 milyon sa memorandum na pirmado ni Balutan.

Depensa ni Balutan, "nationwide" daw ang party at buong ahensiya ang nakinabang. 

"I don't think that the preparation dun is grandiose o lavish. With 1,580 plus persons catered and nationwide po 'yun...and considering 'yung food po, at saka 'yung special effects, sound system, and others, included na po du'n. Ito ay covered po ng receipts," paliwanag ni Balutan. 

Ayon pa kay Balutan, napili nila ang isang kilalang 5-star hotel sa Mandaluyong para pagdausan ng party dahil malapit aniya ito sa head office ng ahensiya.

Di rin daw uubra kung sa mismong opisina isasagawa ang party.

"Meron kasing performances itong ating mga empleyado. Six groups ito, yearly ginaganap ito, mga theatrical presentation. Compared to other Christmas party the previous years, way below itong ginanap namin na ito," ani Balutan.

Sa banta naman ni Cam na idudulog niya sa Senado ang naturang party, sinabi ni Balutan na hindi siya natatakot. 

"We are ready anytime, any investigation, anything under the sun. Basta fair lang."

Sa isang pahayag, tinawag naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga may pakana ng party na "manhid" at "walang konsiyensiya."

"Ipinapakita lamang nila ang kawalan ng konsiyensiya at pagka-manhid lalo sa panahon ngayon na bumabangon ang ilan sa ating mga kababayan mula sa nagdaang mga kalamidad," ani Gatchalian.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.