Video ng 'panggugulpi' sa paaralan, binatikos ng mga personalidad, netizens

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2018 08:46 PM | Updated as of Aug 01 2019 12:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inulan ng batikos mula sa netizens at ilang kilalang personalidad ang viral video ng pambubugbog ng isang Ateneo Junior High School student sa isang kaeskuwela sa loob mismo ng paaralan nila.

Hindi na napigilan ng mga netizen na maglabas ng kanilang saloobin. Umaapaw ang kanilang galit matapos makita ang pambu-bully ng batang Atenista.

Tinarget ng mga netizen hindi lang ang estudyante kundi pati ang kaniyang pamilya. May mga banta rin sa kaniyang buhay.

Pati ilang politiko at showbiz personalities, nanawagan ng hustisya at ang pagkontra sa bullying.

Sabi ni Asia's Songbird Regine Velasquez, panahon na para turuan ang mga bata ng self-defense.

"Oh my goodness. I think we need to teach our children how to defend themselves. I don't believe in violence but masama ba kung ipagtanggol mo ang sarili mo? Nakakagalit ito," aniya.

Giit naman ni Senador Sonny Angara, karapatan ng mga bata at magulang na magkaroon ng ligtas na learning environment sa kanilang eskuwelahan.

"Kids and parents have a right to demand that schools provide a safe and nurturing learning environment," ayon sa senador.

Pero may ilan ding nanawagan sa publiko na magpreno dahil kung emosyon umano ang paiiralin, hindi matitigil ang pambu-bully.

"Bullying does not end by bullying the bully. It only worsens the culture of hate," ayon kay Senador Nancy Binay.

"We should never, never become the monster we seek to defeat," Senador Kiko Pangilinan.

Iginiit naman ng Ateneo de Manila University na tuloy ang kanilang imbestigasyon at seryoso sila dito. Hindi rin sila mangingiming i-dismiss o tanggalin ang mga may kasong grave misconduct.

"[O]ur investigation is ongoing and that we are not treating this matter lightly...The school does not condone such behavior...[and] will not hesitate to impose the penalty of dismissal or even expulsion in cases of grave misconduct," ayon sa paaralan.

Pinaalalahanan naman ng Department of Education ang mga paaralan na ipatupad ang batas kontra bullying.

Umaasa rin ang Philippine National Police (PNP) na mabigyan sila ng kopya ng resulta ng imbestigasyon ng Ateneo.

"We do hope that there will be coordination the soonest possible time para makita ho natin kung ano ang puwede nating maitulong," ani Superintendent Kim Molitas, deputy spokesperson ng PNP.

Aminado naman ang Department of Justice na nangyayari ang bullying kahit saan pero dapat daw pribado itong nireresolba.

"Will advise them to address the situation internally, within the parameters of school policy and regulations. We are dealing with growing up and adolescent children lacking in maturity and discernment here. We need to exercise circumspection," ani DOJ Secretary Menardo Guevarra.

Panawagan naman muli ng Ateneo, itigil na ang pagpapakalat sa video.

—Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.