P5 milyong halaga ng mga 'pekeng cellphone' nasamsam sa Divisoria

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2018 07:30 PM | Updated as of Aug 01 2019 12:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga stall sa Divisoria na nagtitinda ng mga pekeng cellphone na bukod sa walang warranty ay madali pa raw masira.
    
Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng NBI-Anti Organized and Transnational Crimes Division (AOTCD) ang mga stall sa loob ng isang mall sa Divisoria.
    
Doon nadiskubre ang kahon-kahong mga cellphone na may tatak ng iba't ibang mga brand.
    
Tinatayang nasa P4,000 hangang P7,000 ang benta sa mga ito, malayo sa presyo ng mga orihinal na cellphone.

Pero depensa ng mga tindera, "premium class" ito at gawa sa China.

Ayon sa NBI, nagsimula ang imbestigasyon nang magreklamo ang isang mamimili na nasira agad ang binili niya doong cellphone at hindi pinayagang mabawi ang bayad.
    
Nadiskubre pang peke rin ang NTC sticker na ikinakabit sa mga cellphone.

"Iyun 'yung maling pananaw na kapag bumili ka ng mura, makakatipid ka. Kapag fake lalo kang mapapamahal dahil madaling masira, walang warranty. Delikado ito dahil marami nang insidente ng pagsabog o pagkasira ng fake," paliwanag ni Atty. Ryner Bergado ng NBI-AOTCD.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang Chinese national na itinuturo ng mga tindera na "katiwala" o may-ari ng mga tindahan.
    
Iniimbestigahan din ng NBI ang posibilidad na gumamit sila ng pangalan ng iba para makapagpatayo ng negosyo sa bansa.

Nasa P5 milyon ang halaga ng mga cellphone na nakumpiska at isusumite ang mga ito bilang ebidensiya.
    
Nahaharap naman ang dalawang suspek sa paglabag sa Consumer Act.
    
—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.