4 araw bago mag-Pasko: 'Christmas exodus' umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2018 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bulto-bulto na ang mga sasakyan at pasahero sa EDSA at iba pang bahagi ng Kamaynilaan ngayong weekend bago mag-Pasko.

Bagama't di pa umano maituturing na "carmageddon" ang lagay ng mga kalsada, unti-unti nang kumakapal ang volume ng mga sasakyan sa EDSA, batay sa taya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, nasa 402,000 ang bilang ng mga sasakyang bumabaybay sa EDSA nitong Biyernes ng hapon, na lagpas sa kapasidad nitong 200,000.

Bumagal din sa 14 kilometro kada oras (kph) ang daloy ng trapiko sa EDSA mula sa karaniwang 19 kph.

"Ang target naman namin ay hindi siya mapabilis, kung hindi at least gumalaw lang. Ayoko na isang oras kang nakahinto," ani Garcia.

Ipinuwesto rin ang 182 traffic enforcers para sa inaasahang mas malaking volume ng mga sasakyan, ayon kay EDSA traffic chief Bong Nebrija. Papairalin din ang "no day off, no leave" policy para sa mga enforcer ngayong holiday.

Binabantayan ng MMDA ang major intersections sa EDSA tulad ng Crossing sa Shaw Blvd, Ortigas, Cubao, Quezon Avenue, Muñoz at Pasay. Inaasahan din ang mas bibigat pang daloy ng trapiko malapit sa mga bus terminal.

Babagal din ang traffic sa labas ng mga mall sa kahabaan ng EDSA dahil sa mga nais mag-last minute shopping ng ipangreregalo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nagsidagsaan sa iba't ibang bus terminals sa Kamaynilaan ang mga pasaherong magbabakasyon sa piling ng mga mahal sa buhay sa probinsiya.

Sa Araneta Center Bus Terminal, halos ubos na ang tickets para sa mga regular na bus pa-probinsiya sa buong Disyembre.

Ayon sa terminal manager na si Tamon Legaspi, nagkakaroon paminsan ng mga dagdag na biyahe, na maaaring antayin ng mga chance passenger sa terminal.

Samantala, fully-booked na rin ang ilang biyahe sa Pasay bus terminal hanggang Disyembre 31.

Ayon sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), inaasahang tataas nang 26 porsiyento ang bilang ng bus na bibiyahe ngayong Kapaskuhan.

MGA PANTALAN AT PALIPARAN DINAGSA RIN

Nagsimula na ring magsidagsaan ang mga pasahero sa mga pantalan, partikular na sa Batangas at Matnog Port, ayon kay Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG).

Fully-booked na ang mga biyahe sa Cebu pier hanggang Disyembre 26, ayon sa PCG-Cebu.

Todo-bantay ang PCG sa mga di lisensiyadong barkong tatanggap ng mga pasahero, pati na rin sa pagpupuslit ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng mga paputok.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahan namang dodoble ang bilang ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na darating at lalabas ng Maynila ngayong Kapaskuhan.

Sisiguraduhin naman ng pamunuan ng NAIA na magiging ligtas at maayos ang paliparan kahit na marami ang pasahero, lalo na't may mga salisi at modus sa transportasyon, ani Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal.

Ipinagbabawal na ding mag-absent ang mga tauhan ng paliparan.

Binuksan din ng pamunuan ang lahat ng bay sa Terminal 3 para
mas madaling makapasok ang mga pasahero.

Binigyan din ng leaflet ang mga nasa himpilan ng mga taxi na may mga numero na maaaring tawagan sakaling maloko.


-- Ulat nina Doris Bigornia, Jacque Manabat, Johnson Manabat, at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.