Miyembro umano ng drug group sa Negros Occidental, patay sa pamamaril

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 01:22 AM

NEGROS OCCIDENTAL—Patay sa pamamaril ang isang lalaki na miyembro umano ng isang hinihinalang drug group nitong Huwebes sa Hinigaran, Negros Occidental.

Sa paunang imbestigasyon ng Hinigaran Municipal Police Station, napag-alamang sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) ang biktima nang pinababa siya ng salarin sa highway na sakop ng Barangay 1 bandang 5:30 ng hapon, saka pinagbabaril.

Ayon kay Police Maj. James Latayon, hepe ng Hinigaran Police, narinig ang sunud-sunod na putok ng baril ang mga nakatira malapit sa highway.

Nang humupa ang putok, nakitang nakabulagta na ang biktima na kinilalang si Jomarie Tijada na mula sa Barangay Gargato ng bayan ng Hinigaran.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang 13 basyo ng 9mm pistol, tatlong empty cartridge ng .45 caliber pistol, at isang empty cartridge ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Patuloy pa ang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan ng salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.