Video ng 'paggulpi' ng estudyante sa kamag-aral, iniimbestigahan na

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan na ng Ateneo De Manila University Junior High School ang away sa pagitan ng dalawang estudyante sa campus na nakuhanan ng video, sabi ngayong Huwebes ng paaralan.

Sa video na kumalat kamakailan sa social media, mapapanood ang isang estudyante na hinamon ang isa pang estudyante sa loob ng comfort room ng paaralan bago niya ito sinipa at pinagsusuntok.

"The Ateneo Junior High School is dealing with this matter seriously beginning with an immediate investigation that ensued the moment the report reached us," sabi ng paaralan sa isang pahayag.

Nanawagan din ang paaralan na itigil na ang pagpapakalat ng video dahil bukod sa mga menor de edad ang mga sangkot, wala din itong mabuting maidudulot.

"Not only has the privacy rights of these minors been breached but it has also provoked some reactions that do little to help the school in dealing appropriately with the incident," sabi sa pahayag.

Kaugnay sa insidente, inamin ng isang opisyal Department of Education (DepEd) na laganap pa rin ang bullying o pang-aapi kahit kaliwa't kanan na ang kanilang mga kampanya laban dito.

"Kaya binibigyan natin ng instruction 'yong lahat ng mga eskuwelahan, public o private, na magkaroon ng kanilang sariling child-protection policy at the school level," sabi ni Wilfredo Cabral, officer-in-charge regional director sa DepEd-National Capital Region.

Ayon sa implementing rules and regulations ng Republic Act No. 10627 o ang "Anti-Bullying Act," may responsibilidad ang paaralan hinggil sa bullying.

Bukod sa counseling at life skills training sa mga nambu-bully at biktima nila, maparurusahan din ang paaralan kung hindi aaksiyonan ang insidente ng bullying.

Tiniyak ng DepEd na babantayan nila ang resulta ng imbestigasyon ng Ateneo at ang pagsunod ng paaralan sa Anti-Bullying Act.

Ayon naman sa isang psychiatrist, dapat matugunan agad ang mga kaso ng bullying dahil may pangmatagalang epekto ito hindi lang sa biktima, pati sa nambu-bully. 

"Sa na-bully, ang long-term effects nito, puwedeng magkaroon ng trauma, depresyon, anxiety o mababa ang kanilang self-esteem," ani Dr. Bernadette Manalo.

"'Yong nambu-bully naman para siyang dynamite kasi parang kaunting triggers lang, puwede kasi magkaroon ng mga behavior that can lead for them to be imprisoned, to be jailed, at puwede silang magkaroon ng legal suits," ani Manalo. 

Malaki rin daw ang impluwensiya ng pamilya sa pag-iisip at aksiyon ng mga sangkot sa bullying.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.