P2.8-M halaga ng pera, alahas nawala umano pagkatapos ng drug raid sa Iloilo

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 10:57 PM

ILOILO CITY - Umalma ang isang pamilyang target ng drug raid matapos mawalan umano ng halos P2.8 milyong halaga ng pera at alahas sa lungsod noong Disyembre 13.

Ayon kay Candelaria Regalado, 84 anyos, nawala ang kaniyang mga alahas matapos ang raid na inilunsad ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency.

Naaresto ang hipag at subject na si Nilda Regalado at asawa nito na si Arnulfo.

Huli rin ang bayaw ng subject na sina Leo at Cyril Regalado.

Si Arnulfo ay kapatid ng namayapang si Meriam Odicta, asawa ng napaslang na PDEA-identified drug group leader na si Melvin Boyet Odicta Sr. 

Sa kuha ng isang CCTV footage, makikitang natutulog si Candelaria sa loob ng kaniyang kwarto alas-6:13 ng umaga noong Disyembre 13.

Maya-maya pa, pumasok ang mga lalaking nakasuot ng vest na may pangalang PDEA. Pinalabas ang matanda, habang may ilang naghahanap sa loob ng kwarto.

Nakunan sa akto ang isang lalaki na may kinuhang relo sa cabinet at pinasok sa kaniyang bulsa. May nakunan ding kumuha ng alahas.

Pero may nakapansin na may CCTV. Lumabas ang mga lalaki at bumalik matapos ang ilang minuto saka pinatalikod ang CCTV.

Ayon kay Candelaria, nangyari ang pagpasok sa bahay bago paman nagsagawa ng aktuwal na search ang PDEA kasama ang isang barangay official bilang witness.

Paglabas nila, may iprinisintang 9 na bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P400,000 at dalawang high powered firearms.

Sabi niya, masakit sa kanila na nakasuhan na sila nanakawan pa.
 
Nagpablotter na ang matanda at inaayos ang pagsampa ng kaukulang kaso laban sa walong PDEA agents at regional director Emerson Margate. 

Ni-relieve na ang PDEA agents at si Margate habang isinasagawa ang imbestigasyon kung bakit hindi agad naifile kaso laban sa mga suspek, bago nagtapos ang reglementary period.

Ayon sa spokesperson ng PDEA-Western Visayas, hindi pa nila nakikita ang CCTV footage pero nirerespeto nila ang pamilya Regalado kung magsasampa ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.