Mga motorista pinaghahanda sa 'carmageddon' sa Disyembre 21

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 05:00 PM | Updated as of Dec 20 2018 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dapat asahan ng mga motorista ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila sa Disyembre 21, ang huling Biyernes bago mag-Pasko, sabi ng isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa kabila nito, sinabi ni MMDA general manager Jojo Garcia sa naka-"full alert" status ang kanilang mga traffic enforcer para umagapay sa mga motorista.

"Last Friday na po 'to ng holiday season, definitely nasa labas na po lahat ng tao niyan. 'Yong mga huling hirit na shopping, Christmas party," sabi ngayong Huwebes ni Garcia sa "Failon Ngayon" ng DZMM.

Ayon kay Garcia, magdaraos siya ng pulong sa Huwebes kasama ang mga sector head ng MMDA para magplano. Kabilang daw rito ang pagdedesisyon kung mag-o-overtime ang mga enforcer.

Hiniling din ni Garcia sa mga motorista na maging disiplinado para gumaan ang biyahe.

Maaaring bumagal sa 12 kilometro kada oras (kph) ang daloy ng trapiko sa EDSA sa rush hour sa hapon ng Biyernes mula sa karaniwang 19 kph, sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago sa isang text message.

Noong nakaraang Huwebes, naitala ang traffic speed na 14.80 kph sa EDSA, ani Pialago.

Watch more in iWant or TFC.tv

NUMBER CODING

Nilinaw din ni Garcia ang mga pabago-bagong pahayag ng mga opisyal sa kanilang ahensiya ukol sa number coding scheme para sa Pasko at Bagong Taon.

Coding scheme sa mga provincial bus lang ang lifted simula Disyembre 21 hanggang Enero 2, ayon kay Garcia.

Sa Disyembre 26 hanggang 28 naman lifted ang coding scheme para sa mga pribadong motorista, sabi ni Garcia.

Una nang sinabi ni Pialago sa "Umagang Kay Ganda" na lifted ang number coding sa Metro Manila mula Disyembre 24 hanggang Enero 2 pero kalauanan ay nagpadala ng text message na nagsasabing para lamang sa provincial bus ang nabanggit niyang mga petsa.

Sa isa pang paglilinaw, sinabi ni Pialago sa "Umagang Kay Ganda" na exempted na rin sa number coding ang mga pribadong motorista mula Disyembre 24 hanggang Enero 2.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Pialago na mga hindi inaasahang pagbabago ang ugat ng kaniyang mga paiba-ibang anunsiyo.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA PASAHERO, NAGSIMULA NANG DUMAGSA SA MGA BUS TERMINAL

Nagsimula namang dumagsa ngayong Huwebes sa mga bus terminal sa Metro Manila ang mga pasaherong bibiyahe pauwi sa kanilang mga probinsiya para sa Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa ilang pasaherong nakapanayam sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port sa Quezon City, minabuti na nilang bumiyahe nang maaga kaysa maubusan ng tiket at sumabay sa dagsa ng mga pasahero sa mga susunod na araw.

"Siksikan tapos wala ka pang masakyan parang doble o triple 'yong pagod... kaya kailangan talagang agahan," anang pasaherong si Jona Rhea Ygot.

Sa tala ng Quezon City Police District, tinatayang nasa 700 pasahero na ang umuwi sa mga lalawigan simula umaga ng Huwebes sa Araneta Center Bus Terminal at Araneta Center Bus Port.

Naghigpit na rin ang pulisya sa pagbabantay sa mga terminal ng bus, at nagpakalat na ng mga K-9 unit at police assistance desk.

Inaasahanag papalo sa 3,000 ang bilang ng mga pasahero sa Araneta Center Bus Station at Araneta Center Bus Port sa Biyernes, at madadagdagan pa raw ito habang papalapit ang Pasko.

"Sa mga pasaherong bibiyahe ngayon, mangyaring magpa-book po sila nang maaga... Dito sa bus station, pumunta sila nang maaga para maiwasan 'yong rush ng pagbibili ng ticket ng mga pasahero," sabi ni Ramon Legazpi, manager ng Araneta Center Bus Station at Port.

-- May ulat nina Doris Bigornia at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.