Ilang bahagi ng Cebu, binaha dahil sa walang tigil na pag-ulan

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 10:53 PM

Nakaranas ng pagbaha sa ilang bahagi ng Cebu dulot ng walang tigil na pag-ulan sa lalawigan nitong Huwebes.

Hanggang tuhod ang baha sa Barangay Tipolo sa Mandaue City. 

Ilang mga motorista ang nahirapang makatawid. May ilan ring mga maliliit na sasakyan na tumirik pa sa gitna ng daan. Tanging ang mga malalaking sasakyan gaya ng truck ang nakatawid. 

Bumagal din ang daloy ng trapiko mula sa Barangay Subangdaku hanggang sa Barangay Tipolo dahil sa mga nag-u turn at naghanap ng ibang ruta para makaiwas sa baha. 

Apektado ng umiiral na low pressure area ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Huwebes ng hapon naman nang kanselahin ng Philippine Coast Guard Cebu Station ang mga biyahe mula at papuntang Ormoc City. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.