'Santa Claus', banda nagpasaya sa mga bata sa LRT-2

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 05:05 PM

MAYNILA - Sinorpresa ni "Santa Claus" at ng isang banda ang mga pasahero ng LRT-2 ngayon Miyerkoles, 5 araw bago mag-Pasko.

Iba't ibang Christmas carols ang hatid na musika ng banda ng isang foundation para sa mga bata, at kabilang pa sa tinugtog nila sa Santolan Station ang "Just Love" ng Kapamilya network.

Dumating din sa terminal si Santa Claus at namigay ng regalo sa mga bata, bagay na lubos na ipinagpasalamat ng mga magulang.

"Para sa akin blessing ito kahit maliit lang. Birthday pa nitong dalawa ngayong Disyembre," ani Angelico Tesoro na bitbit pa ang dalawa niyang anak.

Samantala, aminado naman ang LRT-2 na marami pa silang dapat isaayos sa kanilang mga estasyon tulad ng escalator at elevator, lalo't nalalapit na ang pagpapalawig ng linya sa 2019.