Pulis na 'bangag', nagnakaw ng motor, nanutok ng baril

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 06:17 PM | Updated as of Dec 20 2017 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang bagitong pulis matapos umanong magnakaw ng motorsiklo at manutok ng baril sa Makati nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Police Officer 1 Giles Buenaflor, na itinuturong nagnakaw sa motorsiklo ng kaniyang kapitbahay habang ito'y nakaparada sa tapat ng kaniyang bahay sa Barangay Olympia.

Kuwento ng biktimang si Dave Labana, iniwan lang niya sa labas ng bahay ang motorsiklo at nang lumabas muli'y naglaho na lang ito.

Ayon sa isang testigo, kinapa umano ni Buenaflor ang susi at tinulak papunta sa direksiyon ng palengke sa barangay. 

Habang tumatakas, nakuha pang manutok ng baril ng suspek, na ayon sa isa pang testigo'y mukha umanong lango sa ipinagbabawal na droga.

Sa follow-up operation, nakita ng biktima ang motor niyang nakaparada sa tapat ng dating tirahan ni Buenaflor.

Itinanggi naman ni Buenaflor ang lahat ng mga paratang laban sa kaniya.

Kinumpirma ng Makati police na natanggal sa kanila si Buenaflor dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Napag-alamang kasalukuyang nakatalaga ang suspek sa National Capital Region Police Office. 

Nahaharap sa kasong carnapping at grave threats si Buenaflor.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.