Tips para sa ligtas na last-minute Christmas shopping sa Divisoria

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 07:33 PM

Dahil dagsa na ang mga tao sa Divisoria, Maynila at ilang kaso ng pandurukot na rin ang naitatala roon, nagbigay ng payo ang pulisya para sa mga may balak mag-last-minute Christmas shopping o iyong mga hahabol sa pamimili sa Divisoria bago mag-Pasko.

Ayon kay Chief Inspector Fernando Reyes, commander ng Juan Luna Police Community Precinct malapit sa Divisoria, huwag basta i-park o iwanan ang dalang sasakyan kung saan-saan.

"I-park na lang natin sa loob ng mall," ani Reyes.

"Dito sa labas, puwede rin po silang mag-park habang nandiyan po 'yong mga tagabantay natin, mga taga-barangay. Kaso ang tendency, sa dagsa ng tao, baka magasgasan ang kanilang mga sasakyan," paliwanag ni Reyes. 

Mainam din daw na magdala ng kasama na maaaring maging katuwang sa pagtingin sa mga ipinamili. 

Posible kasing mabaling ang atensiyon ng isang tao habang namimili at mabiktima ng kawatan, ani Reyes.

"Kapag may kasama kayo at dalawa kayong nagdadala, at least 'yong attention nasa bagahe."

Tiyakin din daw na ligtas ang bag at ilagay ito sa harapan.

"Kapag sa likod, sa dami ng tao, ang tendency baka ma-snatch-an kayo ng bag... malaslasan tayo ng ating gamit," ani Reyes.

Ayon pa kay Reyes, mainam na huwag nang magsuot ng mga alahas.

May ilang kaso na rin ng mga naliligaw at nawawalang bata kaya ipinapayo ni Reyes na iwasang dalhin ang mga ito sa mga matataong lugar.

Madalas daw kumikilos ang mga kawatan tuwing alas-2 hanggang alas-4 ng hapon, sabi ni Reyes.

Sa tala ng pulisya, umaabot sa halos 300,000 tao ang dumadagsa sa Divisoria tuwing Pasko. --Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.