Taxi driver, patay matapos barilin dahil sa 'masamang tingin'

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 05:01 AM | Updated as of Dec 19 2018 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang isang taxi driver matapos pagbabarilin ng motorcycle rider sa Santa Ana, Maynila Miyerkoles ng hatinggabi.

Inakala raw ng lasing na rider na masama ang tingin sa kaniya ng drayber.

Kuwento ng pasahero ng taxi, cinut sila ng motorsiklo pagdating sa intersection ng P. Ocampo St. at Osmeña Highway.

"Sabi niya, ang sama mong makatingin. Sabi ng drayber, ikaw nga ang masama makatingin," aniya.

Pinayuhan niya ang drayber na huwag nang patulan ang rider at kasama nito.

Umatras ang taxi para umalis pero hindi ito tinantanan ng rider hanggang sa barilin ang drayber. Tatlong basyo ng bala ang nakuha sa crime scene.

Mabilis na tumakas ang motorsiklo sa lugar. Nadala pa sa ospital ang drayber pero hindi na ito umabot ng buhay.

"Wala naman tinginan na naganap... walang gitgitan, naghahanap lang siya ng away," dagdag ng pasahero.

Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang 2 lalaki na sangkot sa insidente. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.