'Medical marijuana pinapayagan pero may mga kondisyon'

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang naging sagot ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ukol sa tanong na legalisasyon ng paggamit ng marijuana, uminit lalo ang usapin kung dapat ba itong pahintulutan sa Pilipinas. 

Pero paglilinaw ng ilang mambabatas, sa ilalim ng batas ay puwede na ang paggamit ng marijuana bilang gamot sa mga may malubhang karamdaman. 

"[P]eople with legitimate medical needs are not prevented from being treated with adequate amounts of appropriate medications, which include the use of dangerous drugs," ayon sa Section 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang kailangan lang, ayon kay Senate President Tito Sotto, ay makapagpresenta ng Compassionate Special Permit (CSP) ang pasyente mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Paliwanag naman ng FDA, ibinibigay lang nila ang CSP sa mga taong may malulubhang sakit gaya ng cancer at makukuha lang ito kung papasa sa kanilang evaluation.

Kasama rin sa mga kailangang ipasa sa ahensiya ang mga pirmadong FDA application form, sulat ng doktor na nagrereseta ng medical cannabis sa pasyente, kasama na ang dami ng kailangan nila, at isang medical abstract.
    
Isang linggo ang karaniwang itinatagal bago makakuha ng CSP.

"Itong mga gamot na ito must be registered from the country of origin. Dapat po naka-specify po dapat ang request. Halimbawa po, kailangan po ng 40 tablets, kailangan po nakalagay din sa prescription," ani Atty. Katherine Austria-Lock, FDA OIC-Center for Drugs Regulation and Research.

Dagdag pa ng FDA, hindi dahon kundi ang katas o 'yung cannabis oil lang ang pinapayagan nilang sakupin ng CSP. 

Kung magkakaroon man ng batas na maglalagay sa merkado ng cannabis oil, sisiguruhin daw ng FDA na magkakaroon ng regulasyon para rito. 

Mula 2017 hanggang 2018, tatlong aplikasyon lang para gumamit ng cannabis oil ang natanggap ng FDA pero hindi rin daw ito napagbigyan dahil kulang sa requirements. 

Si Senador JV Ejercito naman na chairman ng Senate committee on health, planong magpatawag ng pagdinig para malaman kung kailangan na talaga ng batas na magpapaluwag sa paggamit ng marijuana. 

"If it will prolong the lives and ease the pain of cancer patients and those in pain and relieve their agony, why not?" depensa ni Ejercito. 

May pangamba naman si Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa plano ni Ejercito.

"Why pass another law that will further liberalize marijuana use in the country? Ganiyan ang nangyari sa ibang bansa eh. There are about 27 countries in the world [which allowed medical marijuana] pero naging recreational marijuana use na," ani Atienza.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na pabor si Pangulong Rodrigo Duterte sa limitadong paggamit ng marijuana. 

—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.