Lalaki timbog sa 'panghahalay, pagpatay' sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 06:24 PM | Updated as of Jul 16 2019 04:03 PM

Naaresto noong Martes sa Quezon City ang isang lalaking itinuturong responsable sa pagpatay at panghahalay sa babaeng kasama niya sa inuupahang bahay.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Rommel Formento, isang construction worker na pinauupa ng ama ng biktima sa bahay sa Barangay Pasong Tamo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinasok umano ni Formento ang kuwarto ng biktima, ginahasa ito at inuntog ang biktima nang pumalag ito, sabi ni Chief Inspector Elmer Monsalve, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit.

"Kinatok niya kasi kakilala naman niya 'yong babae tapos 'yon nga noong nakapasok na siya, ginawan niya ng kahalayan. Kaya lang sumigaw 'yong babae... ginawa niya, inuntog-untog niya 'yong ulo ng babae sa sahig hanggang sa namatay," ani Monsalve.

Matapos matagpuan ang bangkay ng biktima ng kaniyang mga kaanak, inimbitahan sa tanggapan ng barangay si Formento, kung saan umamin umano ito sa nagawang krimen at kusang nagpaposas sa mga awtoridad.

Ayon kay Formento, lasing at nakagamit siya ng ilegal na droga nang magawa ang krimen.

"Dala ng kalasingan saka paggamit na rin ng droga," sabi ng suspek.

Dalawang kasamahan pa ni Formento ang iniimbestigahan ng QCPD upang malaman kung may kinalaman sa krimen.

Kinasuhan ang suspek ng rape with homicide.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.