Halos 1,000 Pinoy naloko sa online scam ngayong 2018: PNP

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 06:10 PM

Dahil sa stress na dulot ng last-minute Christmas shopping at ang traffic bunsod ng sari-saring okasyon, maraming Pinoy na rin ang pinipiling mag-online shopping para sa "hassle-free" na pamimili. 

Pero nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga konsumer dahil batay sa datos na inilabas ng kanilang anti-cybercrime group, nasa halos 1,000 ang nabiktima ng online scam ngayong taon.

Top 3 cybercrimes mula Enero-Nobyembre 2018:

  • Online scam → 913 kaso
  • Online libel → 931 kaso
  • Photo/video voyeurism → 372 kaso

Kaya payo ng PNP, tiyaking lehitimo ang ino-order-ang website bago magbigay ng bayad. 

“Marami pong umo-order, nagsha-shopping sa internet. Dapat kung saan tayo magsha-shopping ay highly reputable itong pinagkukuhanan natin ng goods or items sa internet. Huwag tayong magpaloko," giit ni PNP chied Director General Oscar Albayalde. 

Inaasahan nilang tataas pa ngayong Christmas season ang bilang nito lalo't maraming kawatan ang nananamantala sa mga Pinoy na mas pinipili ang online shopping. 

-Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.